Home NATIONWIDE Binay: Kudeta vs Zubiri nag-ugat sa sugatang paa ni Revilla

Binay: Kudeta vs Zubiri nag-ugat sa sugatang paa ni Revilla

MANILA, Philippines – Matinding pinalagan ni Senador Nancy Binay si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa ibinulgar nitong namamagang paa ang dahilan kung bakit sinibak ni Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri bilang senate president.

Sa pahayag, sinabi ni Binay, miyembro ng tinaguriang “Solid 7” na sumuporta kay Zubiri na nakakagulat ang ikinatuwiran ni Dela Rosa na “namamagang” paa ni Senador Ramon Revilla Jr., ang dahilan kung bakit nagkaroon ng kudeta sa Senado.

Ayon kay Binay, ikinatuwiran ni Dela Rosa na kaya nagkaroon ng kudeta dahil ayaw pumayag ni Zubiri na dumalo sa sesyon si Revilla sa pamamagitan ng internet na dating ginawa sa panahon ng pandemya.

“Medyo weird lang kasing isipin na sa dinami-rami ng conspiracy theories na nagsilabasan sa likod ng Senate coup, isang paa lang pala ang dahilan kung bakit nasipa at natanggal sa pwesto si Sen. Migz. So, ganoon na nga, the best or worse interest of the nation is just a foot away,” ayon kay Binay.

Sa interview, sinabi ni Dela Rosa na napatalsik si Zubiri dahil nagkaroon ng dahilan ang ilang senador sa pagtanggi ng dating lider ng Senado na dumalo si Revilla via internet.

Ayon kay Bato, naghain ng mosyon sina Senador Francis Tolentino at Senate President Francis Escudero na payagan si Revilla na lumahok sa sesyon online pero tinanggihan ito ni Zubiri.

Ngunit, ayon kay Binay, kauna-unahan sa kasaysayan ng pulitiko sa Pilipinas na isang namamagang paa ang mas makapangyarihan kaysa sa powers-that-be.

“Kung ‘yung paa ang dahilan ng pagkatanggal sa puwesto ni Sen. Migz, masasabi natin thay they have really put their best foot forward. If a sore foot can inspire such decisive action, just imagine what a fully functioning pair of feet could do. But for now, the foot has spoken. Sama-sama para sa paa ni Sen. Bong Revilla,” ayon sa senadora.

Dahil dito, tiniyak ni Binay na magsisilbi ang “Solid 7” na maging mapagmantyag na mata at aktibong fiscalizers sa 19th Congress.

“SOLID 7 will continue to march forward in the 19th Congress. We will stand on two feet, or one foot. Injured or not, rest assured, we will always step up,” giit ni Binay. Ernie Reyes