Home NATIONWIDE Binay naguluhan sa P23B badyet ng New Senate Building: ‘Saan nakuha?’

Binay naguluhan sa P23B badyet ng New Senate Building: ‘Saan nakuha?’

MANILA, Philippines- Kinuwestiyon ni Senador Nancy Binay ang kasama sa Senado hinggil sa paratang na umabot sa mahigit P23 bilyon ang halaga ng pagtatayo ng bagong gusali ng Senado sa Taguig City.

Nitong nakarang linggo, ipinag-utos ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kay Senador Alan Peter Cayetano na rebyuhin ang lumolobong badyet ng New Senate Building na mula sa orihinal na P8.9 bilyong tungo sa P23 bilyon.

Ngunit, kinuwestiyon ni Binay ang paratang ng kasamahan na lumobo sa P23 bilyon ang halaga ng gusali kahit nakatakda lamang sa P8.9 bilyon ang aprubadong badyet.

Inihayag ni Senate Accounts Committee Chair Alan Peter Cayetano na kauilangang ikonsidera kung papayagan ang Department of Public  Works and Highways at kontraktor nito na ituloy ang nalalabing bahagi ng gusali na naantala.

Ngunit, nilinaw ni Binay na mali ang P23 bilyong pagtataya ng kabuuang badyet na price tag sa bagong gusali.

“Yun din yung gusto kong itanong kay Senator Alan, saan mo ba nakuha yung 23? Kasi as far as I’m concerned, ang nabi-bid out is 10, ta’s may budget na additional 10, pero wala pang nabi-bid out,”  ayon kay Binay.

“In fact, naguguluhan ako sa kanilang dalawa,” giit niya.

Sinabi pa ni Binay na alam ni Escudero na noong pang 2019 ang halaga ng proyekto dahil nakipag-usap na siya sa kasamahan na umabot sa P8.9 bilyon ang inisyal na pagtataya ng badyet na hindi kasama ang interior design.

Nasa negosasyon pa ang halaga ng ikatlong yugto ng gusali upang maibaba ang presyo nito.

Aniya, gusto niyang makipag-usap sa kasamahan upang malinawan sila sa ilang bagay na hindi malinaw sa kanila.

Idinagdag pa ni Binay na nakatakda pang magsagawa ng kaukulang turnover sa tungkulin silang dalawa ni Cayetano bilang chairman ng  Senate Accounts Committee ilang linggo matapos maitalaga.

“I support yung sinasabi niyang review dahil talaga namang dapat pag-aralan niya itong bagong building, pero kasi di ba parang nagsasagutan kami sa media, e hindi ho ba da dapat mag-usap kaming dalawa para kung meron siyang hindi malinaw mas masasagot ko ho nang diretso,” ayon kay Binay.

“Ang nangyayari ngayon diba, sasabihin niya na may ganitong amount. Paano ako magko-comment e hindi ko alam kung saan mo hinugot yung amount na yun. Hindi ba mas maganda na may mga hawak kaming dokumento at magpapakitaan, magkukuwentahan kaming dalawa?” patuloy niya.

Iginiit pa ni Binay na umuupa lamang ang Senado sa GSIS buling simula pa noong 1997.

“Doon sa GSIS, nagbabayad kami ng parking for almost P100 million a year. Almost 400 yung nagagastos sa space for the offices, tapos may parking pa… Yung total amount na nagastos ng Senate for the rental, umaabot na kami ng close to P4 billion. May escalation pa yung rental every year,” wika ni Binay.

Pero, maraming problemang lumulutang sa gusali tulad ng sistema ng kuryente, pipping at air conditioning.

“Ang dami na niyang sakit na sa tingin ko hindi na maso-solve through renovation dahil luma na talaga ang building… Talagang walang dignity yung office, minsan parang nakakahiyang mag-invite,” sabi ni Binay.

Giit ni Binay, kailangan nang madaliin ang kontruksyon ng bagong Senate building dahil mas magastos kapag naantala, may dagdag na bayarin, multa at panibagong renta sa GSIS.

“Sa akin hindi ito puwedeng i-shelve kasi malaki na yung nagastos. We don’t want this building to be a white elephant. Maling-mali yun, iyun talaga ang paglulustay,” aniya. Ernie Reyes