Home NATIONWIDE Paalala ng DOLE: Double pay para sa mga magtatrabaho sa Eid’l Adha

Paalala ng DOLE: Double pay para sa mga magtatrabaho sa Eid’l Adha

MANILA, Philippines- May karapatan sa double pay ang mga empleyadong naka-duty sa Hunyo 17, sa Eid’l Adha o Muslim Feast of Sacrifice, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa Labor Advisory No. 08, series of 2024 na nilagdaan ni DOLE Undersecretary Carmela Torres, nakasaad ang komputasyon o mga panuntunan sa pagbabayad ng sahod para sa regular holiday.

Idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pamamagitan ng Proclamation 579, ang Hunyo 17 bilang regular holiday bilang paggunita sa Eid’l Adha.

Sa pinakahuling labor advisory nito, sinabi ng DOLE na para sa trabahong ginawa sa panahon ng regular holiday, ang employer ay magbabayad ng kabuuang 200% ng sahod ng empleyado para sa araw na iyon sa unang walong oras, na kinukwenta bilang (Basic wage x 200% ).

Samantala, kung ang empleyado ay hindi magtatrabaho, magbabayad pa rin ang employer ng 100% ng sahod ng empleyado para sa araw na iyon, sa kondisyong ang empleyado ay mag-uulat sa trabaho o nasa leave of absence na may sweldo sa araw bago ang regular holiday.

Para sa overtime o higit sa walong oras sa regular holiday, makakakuha ang empleyado ng karagdagang 30% ng hourly rate sa nasabing araw, na kinukwenta bilang (Oras na rate ng pangunahing sahod x 200% x 130% x bilang ng mga oras na nagtrabaho).

Bukod dito, kung ang empleyado ay nag-ulat para sa trabaho sa holiday at nag-overtime duty, ang employer ay magbabayad ng karagdagang 30% ng hourly rate sa nasabing araw, na kinukwenta bilang (Oras na rate ng pangunahing sahod x 200% x 120% x 130% x bilang ng mga oras na nagtrabaho).

Ang Eid’l Adha ay isa sa dalawang mahahalagang holiday sa Muslim calendar, habang isa ay ang Eid’l Fitr, o ang pagtatapos ng holy fasting month ng Ramadan. Jocelyn Tabangcura-Domenden