Home NATIONWIDE EDCOM 2, Deped bumuo ng grupong susuri sa IRR ng Anti-Bullying Act

EDCOM 2, Deped bumuo ng grupong susuri sa IRR ng Anti-Bullying Act

MANILA, Philippines- Binuo ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), kasama ang Department of Education (DepEd) at iba pang basic education stakeholders, ang isang technical working group (TWG) na bubusisi at maglalatag ng mga reporma sa Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 1067 o ang Anti-Bullying Act of 2013.

Sa news release noong Huwebes, sinabi ni EDCOM 2 co-chairperson, Pasig City Rep. Roman Romulo, nilalayon umano ng review na palakasin ang Child Protection Committee, paghusayin ang bullying case reporting systems, linawin ang anti-bullying structures ng DepEd, at tiyakin ang epektibong implementasyon ng batas.

“Kahit na matagal na ‘yung batas, sa totoo, last year lang talaga natutukan ng DepEd, by creating an ad hoc office and by asking for personnel. So right now, we don’t actually know the depth of the problem, ‘yung dimensions ng problema ng bullying kasi last year lang pala naumpisahan ‘yung Learners’ Rights Protection Office,” ani Romulo.

Ang LRPO ay opisinang nilikha ni Vice President at Education Secretary Sara Z. Duterte na tumututok sa pagtulong sa mga biktima ng bullying at pang-aabuso sa loob at labas ng school premises.

“Let’s not disappoint – because madami na talagang good plans, but hindi talaga na-i-implement, and we end up disappointing our teachers, our students, and the DepEd family itself,” pahayag ni Romulo.

Binuo ang TWG sa pulong kamakailan ng EDCOM 2 Sub-committee on Basic Education kung saan iprinisenta ang serye ng Bullying and Home and School Environment.

Batay sa isang pag-aaral na isinagawa ng De La Salle University, makikitang mas karaniwan ang bullying sa public schools na may “large class sizes, discriminatory teachers, and lower competition and discipline.”

Napag-alaman din sa pag-aaral na mas maraming kaso ng bullying sa mga paaralan na may mataas na porsyento ng mga estudyante mula sa lower socioeconomic backgrounds, kung saan nanguna ang Caraga at Mimaropa regions sa pinakamataas na bullying incidence. RNT/SA