MANILA, Philippines – Matinding pinalagan ni Senador Nancy Binay ang natuklasan na nakatayong private resort sa paanan mismo ng Chocolate Hills sa Bohol, na itinuturing na isa sa pinakamagandang tourist attraction ng Pilipinas.
Sa pahayag, sinabi ni Binay, chairman ng Senate committee on tourism na nakakagalit at nakakadurog ng puso ang nakitang mga nakatayo nang resorts sa ilang paanan mismo ng Chocolate Hills.
“Sa unang tingin pa lamang, alam na nating may mali,” aniya.
Ipinagtataka ni Binay kung bakit naitayo ang ilang private resort sa mga paanan ng Chocolate Hills na idineklarang protected areas ng UNESCO bilang geological park na matatagpuan lamang sa ating bansa.
“Kung ang mga ahensya ng gobyerno na may tungkulin at responsibilidad na pangalagaan ang Chocolate Hills ay may pro-environment mindset, ang tanong po natin, bakit nakapagtayo ng resort at mayroon pang cottages at swimming pool sa isang ‘classified natural monument’ sa ilalim ng NIPAS, at isang protected UNESCO geopark?,” giit ni Binay.
Aniya, kanyang naiintindihan ang kahalagahan ng kaunlaran pero dapat may hangganan ang lahat ng pagkilos ng gobyerno na nakakasira o makakasira sa kapaligiran at natural formation.
“If the DENR continues to issue ECCs in the guise of tourism development, I believe they have misunderstood what ecotourism is all about, and they have become complicit in defacing a natural monument they’re supposed to oppose,” giit ni Binay.
“It has also come to my attention that PAMB in 2022 and 2023 approved the proposal and issued a resolution Favorably endorsing the development of Captain’s Peak Resort situated at Canmano, Sagbayan, Bohol within the Chocolate Hills Natural Monument (CHNM),” aniya.
Dahil dito, nakatakdang ipatawag ng Senado ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at local government units kabilang ang pribadong kompanya sa pagtatayo ng private resort sa lugar.
“We want the DENR, PAMB, BEMO, PENRO and the LGUs to explain as to why even with Chocolate Hills’ protected status, construction permits continue to be granted,” ani Binay. Ernie Reyes