BENGUET, Philippines – Isang gate ng Binga Dam sa Itogon, Benguet ang binuksan ngayong Sabado ng umaga, ayon sa datos ng PAGASA.
Ang dam ay may isang gate na nakabukas sa 0.3 metro, na naglalabas ng tubig sa 37 cubic meters per second (cms).
Alas-8 ng umaga, nasa 573.55 metro ang reservoir ng Binga Dam, malapit sa 575-meter spilling level.
Ang Benguet at ang natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Sabado dahil sa Isang, sabi ng PAGASA.
Lumabas si Isang sa Philippine Area of Responsibility alas-6:30 ng umaga.
Inaasahang unti-unti itong lalakas at magiging typhoon habang papalapit sa karagatang timog ng Hainan, China, ayon sa PAGASA. RNT/MND