Home NATIONWIDE ‘Bingo’ viral video, fake news – Villanueva

‘Bingo’ viral video, fake news – Villanueva

MANILA, Philippines – Isang matinding fake news ang kumakalat na viral video hinggil sa salitang “bingo” na binanggit sa naganap na pagdinig ng Senado hinggil sa operasyon ng illegal Philippine Offshore Gaming Organization (POGO) na pinatatakbo ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo.

Sa paliwanag, sinabi ni Senador Joel Villanueva na walang kinalaman sa sinumang mambabatas ang salita nitong “Bingo” nang iaabot sa kanya ni Shiela Guo ang papel na kung saan nakasulat pangalan ng personalidad na tumulong sa kanilang pagtakas.

Ayon kay Villanueva, tanging “Kat” at “Gee” ang kanyang nabasa sa kapirasong papel na iniaabot ni Shiela na tumulong sa kanila sa pagtakas na pawang mga sekretarya ni Alice Guo sa Bamban.

“Noong isinulat po niya iyon, talagang bingo exactly the same names that we are hearing na ipinatawag na po ngayon ng committee — si Ms. Kat at si Ms Gee. Kung inaakala nila na malulusutan nila ang Senado at kung inaakala nila na beto-beto lang ito sa perya, nagkakamali po sila,” paliwanag ni Villanueva.

Nabatid na ipinatawag na umano sa Senado sina alias “KAT” at “GEE”, ang mga pangalang isinulat ni Shiela sa papel upang bigyang linaw ang “malaking papel” nila sa galaw ni Alice.

Sa naturang pagdinig, nasambit ni Villanueva ang salitang “bingo” nang mabasa ang papel na ibig sabihin, sumakto o nagkumpirma sa pangalan na nasa kanilang kaalamanan na tumulong sa grupo ni Alice Guo na tumakas palabas ng bansa.

Bunsod ng salitang “bingo,” kumalat sa social media ang ilang haka-haka, espekulasyon at fake news na inuugyan ang sinambit na kataga ni Villanueva sa ilang inosenteng indibiduwal.

Ayon kay Villanueva, tanging sina “Kat” at “Gee” ang kanyang nabasang pangalan sa kapirasong papel na inaabot ni Shiela Guo taliwas sa espekulasyon at kumakalat na fake news sa social media.

“Nagkatugma ang pangalan na “Kat” at Gee” sa nabanggit na personalidad sa executive session, na siyang isinulat ni Shiela Guo sa papel na inaabot sa akin,” ayon pa kay Villanueva.

Base sa records ng komite, nakilala ang dalawang alalay ni Alice Guo na sina Gee Pepito at Kath Salazar. Ernie Reyes