Pinuri ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino si Tarlac court presiding judge Sarah Vedaña-delos Santos sa pag-amin sa pagkakamali na akuin ang hurisdiksyon sa kaso ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo – at higit sa lahat, ang paggawa ng mga hakbang upang maituwid ito.
Sinabi ni Tolentino na ang desisyon ni Judge Delos Santos ay hindi lamang nagpapatibay sa kanyang naunang paninindigan na ang Senado lamang ang may balidong warrant of arrest laban kay Guo — bagkus ay pumipigil din sa anumang ‘undue influence.’
Ibinalik ni Judge Delos Santos ang mga kaso kay Capas RTC Executive Judge Ronald Leo T. Haban, na nag-utos naman na ilipat ang kaso sa Valenzuela City Regional Trial Court.
“I thank Honorable Judge delos Santos for acknowledging her oversight – and thus affirming that my position is right. More importantly, I thank her for taking timely steps to rectify the error,” sabi ni Tolentino na nagsabing ang nakatakdang arraignment at pretrial kay Guo (Biyernes ng hapon) ay kinansela.
“Also, the actions of Judge delos Santos are no less significant as this would prevent undue influence on the case,”dagdag niya.
Bilang isang abogado at propesor ng batas, isinulong ni Tolentino ang kalinawan ng batas sa isyung ito, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng Republic Act 10660.
Ang kanyang proactive approach ay hindi lamang naka-highlight sa isyu ng hurisdiksyon, bagkus ay nagpadali sa pagtatama upang matiyak na ang wastong legal na pamamaraan ay nasusunod.
Nauna rito, hiniling ni Tolentino na ikustodiya ng Senado si Guo sa imbestigasyon noong Setyembre 11, matapos idiin na ang warrant of arrest na inisyu ng RTC Branch 109 sa Capas ay labag sa RA 10660, lalo’t nanungkulan si Guo sa Bamban na matatagpuan sa parehong rehiyong panghukuman (Third Judicial Region).
Sa ilalim ng Seksyon 2 ng RA 10660 sa hurisdiksyon, “…ang mga kaso na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Regional Trial Court sa ilalim ng seksyong ito ay dapat litisin sa isang hudisyal na rehiyon “maliban sa” kung saan ang opisyal ay nanunungkulan.”
Kaya sinabi niya na ang hukuman ng Capas ay walang hurisdiksyon sa kaso ni Guo – at sa ngayon, tanging ang warrant of arrest ng Senado ang “dapat ituring bilang ang tanging wastong warrant of arrest na umiiral.”
Sa utos ni Delos Santos ay binanggit ang paglilinaw mula sa Office of the Court Administrator na may petsang Setyembre 1, sa applicability ng OCA Circular 10-2024 na tinukoy ng Capas RTC Branch 109.
Ayon sa paglilinaw ng OCA, hindi wastong sinipi ng Capas RTC Branch 109 ang Seksyon 2 ng RA 10660, at tinanggal ang isang item na kinabibilangan ng “(a)ll other national and local officials classified as Grade “27” and higher under the Compensation and Position Classification Act of 1989″ as also covered by the term “public official” and subject of A.M. No. 19-05-131-RTC.
Dahil dito, iniutos ni Delos Santos na ibalik ang kasalukuyang mga kaso kay Executive Judge Haban “para sa kanyang naaangkop na aksyon alinsunod sa OCA Circular No. 10- 2024.” RNT