MANILA, Philippines – IBABASURA na ang kontrobersyal na “single period of confinement policy sa katapusan ng Setyembre 2024, gaya ng ipinangako ng PhilHealth sa katatapos na Senate committee on health public hearing noong Setyembre 10.
Ito ay dahil na rin sa patuloy na pagsisikap ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng komite, na maalis ang patakarang ito na pumipigil sa mga pasyente na makakuha ng PhilHealth coverage sa loob ng maikling panahon kaya humahantong sa mas mabigat na pasanin para sa mga pamilyang Pilipino.
Nagbunga rin sa wakas ang walang humpay na apela ni Go sa PhilHealth na nangakong ipatutupad ang pagbabago. Binigyang-diin ni Go ang negatibong epekto sa publiko ng nasabing polisiya, lalo sa mga pasyenteng dumaranas ng paulit-ulit na sakit.
Kinumpirma ni PhilHealth COO Atty. Eli Santos na susundin ng ahensya ang apela ni Go.
“We will include the removal of this provision on a single period of confinement when we implement, or we come up with a policy or the increase of the case rates, probably from 30 to 50 percent increase,” sabi ni Santos said.
Hinimok ni Go ang PhilHealth na agaring tanggalin ang polisiya na hiwalay sa iba pang nakaplanong adjustments.
“Yes, Mr. Chairperson, susunod kami agad. Aalisin namin,” ang tugon ni Santos.
Binigyang-diin ni Go na ang pagtanggal sa nasabing policy ay isang kritikal na hakbang sa pagpapabuti ng access sa pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.
“Ayon sa PhilHealth, tatanggalin na nila ang single confinement policy by the end of September. Maraming Pilipino ang hindi nabibigyan ng tamang benepisyo dahil dito, kaya mabuti na lang at nakinig ang PhilHealth sa ating mga hinaing,” sabi ni Go.
Matatandaang paulit-ulit na pinuna ni Go ang polisiya na hindi makatuwiran sa pagsasabing ang mga sakit tulad ng pulmonya at komplikasyon sa pagbubuntis ay unpredictable at hindi maaaring limitahan ng arbitrary timeline.
Dalawang case study ang na-highlight sa pagdinig upang ipakita ang masamang epekto ng polisiya. Una ay ang kaso ni Elena Abilar na ang anak na ipinanganak na may “special needs” ay tinanggihan ang coverage para sa multiple pneumonia admissions sa loob ng maikling panahon. Maluha-luha niyang inalala kung paano pinayuhan ng PhilHealth ang ospital na baguhin ang diagnosis upang masiguro ang coverage para sa kanyang anak.
Ang isa pang kaso ay si Mang Boy na ang ina ay may emphysema. Matapos muling ma-admit dahil sa mga komplikasyon, ipinaalam sa kanila ng ospital na pinapayagan lamang ng PhilHealth policy ang coverage, isang beses kada anim na buwan.
Hindi makapaniwala si Mang Boy na nagsabing sa kabila ng pagbabayad ng mga kontribusyon sa loob ng maraming taon, ang kanyang pamilya ay pinabayaan sa mga gastos kung kailan nila kailangan ang coverage.
“Year after year, magbabayad ka. Tapos kung kailangan mong gamitin, limitado ang paggamit… Pangit naman ‘yung ganun,” ani Mang Boy.
Dahil dito, ang pagpupursige ni Go ay humantong sa isang matatag na pangako ng PhilHealth na at inaasahang magbibigay ito ng kaluwagan sa mga pasyente at kanilang mga pamilya na nahaharap sa krisis. RNT