MANILA, Philippines – Patay ang isang hinihinalang tulak habang sugatan naman ang isang pulis matapos ang nangyaring barilan bandang 5:45 ng umaga nitong Biyernes, Setyembre 13, 2024 sa Barangay Jampang, Argao, Cebu.
Kinilala ang nasawi na si Joeraldine Bajenting Gevana, alyas Jiraldin, residente ng Barangay Jampang, Argao.
Samantala, sugatan naman ang pulis na si Patrolman Joseph Belarma.
Ayon kay Police Major Janus Giangan, hepe ng Argao Police Station, magsisilbi sana ang mga pulis kasama ang tracker team ng istasyon, ng warrant of arrest laban sa suspek para sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nasa loob ng sasakyan sina Giangan at team nito nang sila ay mamataan ng suspek at mga kasabwat.
Dito na agad na nagpaputok ang mga suspek, at tamaan ang gilid ng sasakyan para bumagsak sa lupa si Belarma matapos din itong tamaan.
Agad na tumakbo ang mga suspek patungo sa isang underground tunnel habang patuloy na pinapaputukan ang mga pulis.
Bilang tugon ay gumanti rin ng putok ang mga pulis at tinamaan ang suspek.
Dinala sa ospital ang suspek ngunit idineklarang dead on arrival, habang nagpapagaling naman sa ospital ang pulis na si Belarma. RNT/JGC