Home NATIONWIDE ‘Biological parents’ ni Mayor Guo, ‘tumakas’; DNA test malabo na – Gatchalian

‘Biological parents’ ni Mayor Guo, ‘tumakas’; DNA test malabo na – Gatchalian

MANILA, Philippines- Dismayado si Senador Win Gatchalian sa “pag-alis” ng posibleng biological parents ni Bamban Mayor Alice Guo dahil nakalusot ng bansa si Lin Wen Yin, kaya’t hindi na posible ang planong isailalim silang dalawa sa DNA test.

Sinabi ni Gatchalian na malaki ang maitutulong ng DNA test upang matukoy ang tunay na relasyon nina Guo at Lin sa kabila ng pamimilit ng alkalde na isa siyang Pilipino.

Naunang inamin ni Guo na anak siya sa labas ng amang si Angelito Guo o Guo Jang Jong at Amelia Leal Guo, isang kasambahay na Pilipino.

“Sa ngayon dahil nagtanong kami sa Bureau of Immigration (BI), si Lin Wen Yi at si Guo Jang Jong wala na pala sa Pilipinas, bumiyahe na sila sa ibang bansa so hindi na natin sila makikita dito,” ayon kay Gatchalian.

Sakaling lumabas sa DNA test na si Lin ang ina ni Guo, mapatutunayang isang Chinese ang alkalde.

“Unang-una itong dalawa ay Chinese citizen so puwede talaga silang bumalik sa China at wag nang bumalik dito at kapag yan ay nangyari wala na tayong pagkakataon na patunayan na itong dalawa ay kanyang mga magulang,” giit niya.

“Kaya sa kasamaang palad, dahil nga madali lang lumipad at madalas silang lumipad at nakita namin yung flight records talagang halos isang beses isang buwan umaalis sila kaya talagang hindi malayo yun. Pero sa ngayon wala na si Lin Wen Yi sa bansa kaya mahirap tayong mapa-DNA sila,” patuloy ng senador.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na trusted person si Lin ng Guo family at malapit kay Guo Jang Jong dahil makikita sa lahat ng dokumento na isa sa kasosyo sa negosyo ng pamilya at palagi itong bumibiyahe kasama ang kanyang ama bukod sa kanyang kapatid patungong China.

“So makikita mo na itong si Lin Wen Yi trusted na tao ito, hindi ito ordinaryong tao. Talagang malapit sa kanila. Kaya sa mga pagtatanong ko ipinakilala ina nya itong si Wen Yi,” paliwanag niya.

Kasabay nito, naniniwala din si Gatchalian na ginastusan ng ilegal na POGO ang kampanya ni Guo sa nakaraang halalan.

“Malaking posibilidad yan. Kumbaga yan pa ang posibilidad na POGO money ang tumakbo para magkaroon ng POGO politics. Malaking posibilidad yan,” wika pa ni Gatchalian.

Naniniwala si Gatchalian sa kanyang teorya na natukoy ang may-ari ng ilegal na POGO hubs sa ilang opisyal ng gobyerno.

“Ibig sabihin marunong silang mag-alaga at maglagay sa mga tao sa taas sa enforcement agencies natin para maproteksyunan sila,” giit niya.

“Marurunong sila. Kumbaga ung narcopolitics marunong silang maglagay ng mga enforcers, ito marunong din ito. Lalo na kung ganun kalaking investment ang dinadala nila,” ayon sa senador. Ernie Reyes