Home NATIONWIDE Wen Yi Lin ‘di tunay na ina ni Alice Guo – ex-consultant 

Wen Yi Lin ‘di tunay na ina ni Alice Guo – ex-consultant 

MANILA, Philippines- Hindi anak ng Chinese national na si Wen Yi Lin si Bambam City Mayor Alice Guo, ayon sa dating consultant ng alkalde nitong weekend.

Batay sa dating consultant ni Guo na si Nancy Gamo, si Lin Wen Yi ay “partner” lamang ng ama nito.

“Hindi po siya ang totoong nanay ni Mayora Alice. Partner lang po siya ng tatay niya. Kasama nila sa mga biyahe nila kung saan-saan, pero hindi po siya nanay ni Alice,” giit ni Gamo sa isang panayam nitong Linggo.

Matatandaang inihirit ni Senator Sherwin Gatchalian nitong Linggo kay Guo na sumailalim sa DNA testing kasama si Wen Yi Lin, tinatawag ding Winnie, kaugnay ng nauna niyang pahayag na posibleng ang Chinese national ang biological mother ni Guo.

Nauna nang sinabi ni Guo na ang kanyang ina ay isang Pilipinong nagngangalang Amelia Leal, subalit sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na wala slang birth records ng nasabing indibidwal.

“Kilala ko ang pagkatao ni mayor. Matulungin ‘yan, hindi ‘yan plinanta lang para mag-spy,” wika ni Gamo.

Sa parehong panayam, sinabi rin ni Gamo na lumaki si Guo sa isang farm.

Ito ay sa gitna ng imbestigasyon kay Guo sa umano’y kaugnayan nito sa illegal Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) hub, at pagkuwestiyon sa kanyang pagiging Pilipino. Nauna nang sinabi ng Office of the Solicitor General (OSG) na posible itong maghain ng quo warranto petition na kumukuwestiyon sa karapatan ni Guo na humawak ng public office. RNT/SA