MANILA, Philippines – Naghain ng tax evasion complaints ang Bureau of Internal Revenue (BIR) nitong Miyerkules, Agosto 20 sa Department of Justice (DOJ) at regional offices nito laban sa 75 illicit vape retailers at sellers.
Sa ambush interview, sinabi ni BIR Commissioner Romeo “Jun” Lumagui Jr. na sangkot dito ang tax liability na nagkakahalaga ng P711.3 milyon.
Ayon sa BIR, ang mga reklamong ito ay paglabag sa Tax Code, kabilang ang Tax Evasion, Unlawful Possession o Removal of Articles Subject to Excise Tax Without Payment of the Tax, at Failure to File Excise Tax Returns.
“Smuggled, ano. Nakita natin dahil hindi rehistrado sa BIR, hindi rehistrado rin ‘yan sa—, hindi approved ng DTI (Department of Trade and Industry) at hindi bayad ang excise tax. So walang mga stamps ang mga produktong binibenta nila,” ani Lumagui.
Nagbabala si Lumagui na ang mga produktong ito ay maaaring hindi nakapasa sa quality standards.
Iginiit niya na ang mga buwis na kinokolekta ng pamahalaan mula rito ay maaaring magamit na sana sa healthcare system at infrastructure projects ng bansa.
“Nakita natin na nationwide ‘yung pagbenta nito at marami pa rin produkto na hindi rehistrado at hindi nagbabayad ng excise tax sa mga vape products. Kaya patuloy ang aming nagiging operasyon laban dito,” ayon kay Lumagui.
Sinabi pa ng BIR commissioner na ang mga rehistradong produkto ay mayroong BIR stamps.
“Kapag wala kayong nakita na stamp, ‘yung tamaraw na stamp na nakakabit diyan, ay siguradong illegal ito at ‘wag nating tatangkilikin ito.”
Nag-ugat ang paghahain ng reklamo mula sa serye ng mga raid at inspeksyon na nakasamsam ng mga ibinibentang untaxed vape. RNT/JGC