Home METRO Bird flu outbreak sa Leyte nakontrol na

Bird flu outbreak sa Leyte nakontrol na

MANILA, Philippines- Nakontrol na ang naiulat na outbreak ng avian influenza o bird flu sa isang poultry farm sa lalawigan ng Leyte, ayon sa Department of Agriculture (DA) nitong Biyernes.

“Mahigit sa 50,000 din ‘yung na-cull na at contained na itong area natin sa Leyte,” pahayag ni DA Assistant Secretary and spokesperson Arnel de Mesa sa isang panayam.

Ipinagbigay-alam umano ng DA, ayon kay De Mesa, sa World Organization for Animal Health (WOAH) ang resulta ng laboratory testing, na nagkumpirma noong March 19 na nagpositibo ang mga ibon sa poultry farm sa highly pathogenic H5N1 avian influenza.

Batay sa ulat ng WOAH, binanggit ang Philippine Agriculture Department, naapektuhan ng virus ang 4,475 ibon mula sa 60,529.

Ayon sa opisyal, ang mga apektadong ibon ay broiler breeders.

“Ito ay ordinary case lang… kasi na-contain naman agad ang area,” anang DA official.

Sa kabuuan, sinabi ni De Mesa na halos 60,000 ibon ang namatay dahil sa virus.

Pansamantalang ipinagbawal ng DA ang pag-aangkat ng mga ibon at poultry products mula sa ibang bansa tulad ng Japan, Belgium at France dahil sa H1N5 outbreaks. RNT/SA