Home NATIONWIDE Bong Go No. 2-3 sa OCTA survey: ‘Salamat sa pagtitiwala’

Bong Go No. 2-3 sa OCTA survey: ‘Salamat sa pagtitiwala’

MANILA, Philippines- Muling nagpasalamat si Senator Bong Go sa patuloy na pagtitiwala ng sambayanang Pilipino kasunod ng resulta ng OCTA Research Senatorial Survey na isinagawa mula Marso 11-14, 2024, na naglagay sa kanya sa pangalawa hanggang ikatlong posisyon na may approval rating na 49.9%.

“Lubos akong nagpapasalamat sa bawat Pilipinong patuloy na nagtitiwala at sumusuporta sa akin. Ang inyong suporta ay siyang nagbibigay lakas at inspirasyon upang magpatuloy sa paglilingkod sa bayan,” sabi ni Go.

Sinabi ni Go na mahalaga ang survey bilang salamin ng sentimento ng mamamayan at isang mahalagang paraan para sa pag-unawa sa mga pangangailangan at inaasahan ng publiko.

Nangako siya na ipagpapatuloy ang kanyang pagsisikap upang matugunan ang mga isyu na kinakaharap ng bansa.

“Gagawin ko ang aking makakaya upang patuloy kong magampanan ang aking tungkulin nang may katapatan at dedikasyon, lalo sa mga panahong ito na kailangan natin ng pagmamalsakit sa isa’t isa,” idinagdag ni Go.

Ang survey ay isinagawa sa isang grupo ng 1,200 babae at lalakeng respondents na may edad 18 pataas, mula sa mga kabahayan ng iba’t ibang klase ng sosyo-ekonomiko – AB, C, D, at E.

Nauna rito, sa isang survey ng Pulse Asia sa buong bansa ng mga potensyal na kandidato sa senador sa 2025 midterm election na isinagawa noong Marso 6-10, sumampa si Go sa pangatlo hanggang ikaapat na puwesto sa nakuhang 44.2%.

Tinaguriang “Mr. Malasakit”, si Go ay nakatuon sa pagtulong sa mamamayan, lalo sa mahihirap at pinakamahinang sektor.

Naniniwala ang senador na ang paglilingkod sa sangkatauhan ay paglilingkod sa Diyos. RNT