ILOCOS SUR, Philippines – Patay ang isang 34-anyos na lalaki at ang lalaking angkas nito sa mismong araw ng kanyang kapanganakan o birthday matapos na bumangga ang kanilang motorsiklo sa likod ng isang 10-wheeler truck sa national highway sa Brgy Tablac, Candon City ng lalawigang nitong madaling-araw ng Biyernes, May 22.
Ayon sa Candon City Police Station, ang mga nasawi ay parehong residente ng Dan-ar, Santiago, Ilocos Sur.
Ang Isuzu 10-wheeler truck ay minamaneho naman ng 56-anyos na lalaki, walang asawa, residente ng Dolores, Abra.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang Isuzu 10-wheeler truck at ang kulay itim na Suzuki Raider 150 motorcycle na sinasakyan ng dalawang nasawi ay parehong bumibiyahe papuntang hilagang direksyon, na mas una ang trak kaysa sa motorsiklo.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, nabatid na bumangga ang motorsiklo sa left portion ng trak.
Resulta nito, parehong nagtamo ng fatal injury ang driver ng motorsiklo at angkas nito na agad na isinugod sa ospital ng mga rumespondeng PNP at BFP personnel.
Gayunman, ang dalawa ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso