MANILA, Philippines – Bago ang posibleng pag-upo ng Senado bilang impeachment court laban kay Vice President Sara Duterte, pinaalalahanan ni Novaliches Bishop Teodoro Bacani ang mga senador na tungkulin nilang paglingkuran ang mamamayan at hindi ang isang indibidwal lamang.
Sa isinagawang misa sa EDSA Shrine, kahapon, dumalo ang ilang grupo at mga miyembro ng House prosecution panel na naghahangad na mapatunayang may pananagutan si Duterte.
Ayon kay Bacani sa kanyang homiliya, “Makonsensya naman kayo. Huwag ninyong sasabihin na ‘Tao naman ako ni Sara. Hindi ako boboto laban sa kanya.’ Hindi, hindi ka tao ni Sara kung ikaw ay senador, tao ka ng bayan.”
Iginiit din ni Bacani, na isa sa mga bumalangkas ng 1987 Constitution, na dapat agad simulan ang impeachment trial.
“Kasama ako sa sumulat ng Konstitusyon na ‘yun. Forthwith. Agad-agad […] Huwag na kayo magpapasok sa Bato sa Senado at magbabaril sa Senado. Agad-agad. Huwag na kayo magpapalit ng liderato nang ganun, basta-basta,” dagdag niya.
Kabilang sa dumalo sa misa sina Congressmembers Leila de Lima, Joel Chua, at Lorenz Defensor na pawang bahagi ng House prosecution panel.
Sinabi naman ni De Lima, “Humihingi kami ng pagbabasbas para tulungan kami, to give us guidance, to give us strength, to give us wisdom to prosecute the respondent and to seek for her conviction, para managot talaga siya.”
Nagkaroon din ng protesta sa harap ng EDSA Shrine ang ilang civil society groups bago ang misa.
Ayon kay Kiko Aquino Dee ng Tindig Pilipinas, “Yung saloobin namin kailangan po natin ituloy yung impeachment trial na ilang taong nang hinihintay ng taong bayan.”
Bagamat wala pang pormal na imbitasyon mula sa Senado, posibleng dumalo ang House prosecution panel sa convening ng impeachment court.
Inihahanda na rin ng prosecution panel ang mga Articles of Impeachment na hahawakan ng bawat kongresista, kasama ang mga pribadong prosecutor at mga testigo.
Umaasa naman si Congressman Joel Chua na hindi maaapektuhan ng tensyon sa Senado ang impeachment process.
“Ito ay kanilang constitutional mandate. Inaasahin naman din po natin na ang ating bagong Senate President, bilang isang abogado, mataas po ang kanyang paggalang sa Konstitusyon,” ani Chua. RNT/MND