MANILA, Philippines – Nasugatan ang isang bus conductor matapos bumangga ang isang pampasaherong bus sa concrete barriers sa bahagi ng EDSA Busway malapit sa MRT-3 Kamuning Station sa Quezon City noong Linggo.
Ayon sa ulat, sinabi ng driver ng bus na hindi niya napansin ang mga harang habang bumibiyahe southbound dahil naharangan umano ng mga nakatayong pasahero ang kanyang paningin.
Gayunman, may ilang pasahero na nagsabing gumagamit umano ng cellphone ang driver at tila nagbabasa o nagre-reply ng mensahe habang nagmamaneho. Hindi pa ito nakukumpirma ng mga awtoridad at patuloy pa ang imbestigasyon.
Naipit ang conductor matapos tumagos ang isa sa mga concrete barrier sa harapang bahagi ng bus kaya nagsagawa pa ng extraction operation ang mga rescuer upang mailigtas siya.
Nagdulot din ang insidente ng matinding trapiko sa southbound lane ng EDSA Busway malapit sa Kamuning Station. RNT/MND