MANILA, Philippines – Sinabi ni Senator Erwin Tulfo na wala siyang alam tungkol sa umano’y panibagong plano para patalsikin ang bagong Senate President na si Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Tulfo, nababasa lamang niya sa mga ulat ang pahayag ni Cayetano na may ilang miyembro ng majority na kinakausap umano ng minority para magsagawa ng panibagong kudeta sa Senado.
“Ngayon, wala akong idea kuna may kudeta ba. Nababasa ko lang sinasabi ni Sen. Alan Peter Cayetano na may ilang majority na nakausap ng ilang minority,” ani Tulfo.
Sinabi rin niyang wala siyang dahilan upang sumama sa panawagang patalsikin si Cayetano at dapat muna itong bigyan ng pagkakataon na patunayan ang sarili bilang Senate President.
“Ngayon ko pa lang makakasama si Sen. Alan Cayetano. In fairness, hindi ko pa nakakasama yan sa Congress or sa Senate. Tapos tatlong araw pa lang siya nagiging SP, wala pa talagang nagagawa. Unfair naman yun sabihin na palitan na si Sen. Alan Cayetano,” dagdag niya.
“Pero kung ako talaga tatanungin, siguro bigyan muna natin ng pagkakataon na makita natin kung talagang bagay siya dyan or karapat-dapat siya dyan,” pahayag pa ni Tulfo.
Samantala, sinabi rin niyang wala ring alam si Sen. Raffy Tulfo tungkol sa posibleng pagpapalit muli ng liderato sa Senado.
“Walang nagpapa-pirma sa akin. I can speak for myself. Wala akong pinipirmahan. Baka mamayang gabi. I don’t know. Or bukas ng umaga,” ani Tulfo. RNT/MND