Home TOP STORIES Trump nagbabala sa Iran: “There won’t be anything left” kung walang peace...

Trump nagbabala sa Iran: “There won’t be anything left” kung walang peace deal

60
0

WASHINGTON, USA – Nagbigay ng panibagong babala si US President Donald Trump sa Iran at sinabing kailangan nitong kumilos agad para sa isang peace deal o “there won’t be anything left of them.”

Sa post ni Trump sa Truth Social, sinabi niya: “For Iran, the Clock is Ticking, and they better get moving, FAST, or there won’t be anything left of them. TIME IS OF THE ESSENCE!”

Patuloy ang tensyon sa pagitan ng Washington at Tehran matapos magsagawa ng malawakang pag-atake ang US at Israel laban sa Iran simula Pebrero 28. Hirap pa rin ang magkabilang panig na makabuo ng kasunduan upang matapos ang digmaan na nakaapekto sa Middle East at nagpataas sa presyo ng enerhiya.

Nagresulta rin ang digmaan sa blockade ng Strait of Hormuz, kung saan dumadaan ang humigit-kumulang 20 porsyento ng global oil exports sa panahon ng kapayapaan.

Lumawak din ang tensyon sa pagitan ng Israel at Lebanon. Ayon sa Israeli military, nagpaputok ang Hezbollah ng humigit-kumulang 200 projectiles laban sa Israel nitong weekend kahit may umiiral na ceasefire extension sa pagitan ng Israel at Lebanon.

Iniulat naman ng Lebanon health ministry na limang katao, kabilang ang dalawang bata, ang namatay sa panibagong Israeli strikes sa southern Lebanon noong Linggo.

Ayon sa Lebanese authorities, mahigit 2,900 katao na ang nasawi sa Lebanon mula nang magsimula ang digmaan, kabilang ang 400 matapos magsimula ang truce noong Abril 17.

Bagamat nagkasundo ang US at Iran sa isang truce noong Abril 8, nananatiling mabagal ang peace negotiations at nagpapatuloy pa rin ang ilang pag-atake.

Iniulat ng Iranian media na walang konkretong concession ang inialok ng US sa pinakahuling usapan para tapusin ang digmaan.

Ayon sa Fars news agency, nais ng Washington na iwan lamang ng Iran ang isang nuclear site na gumagana at ilipat sa US ang stockpile nito ng highly enriched uranium.

Sinabi rin ng Iran na tumanggi ang US na palayain kahit 25 porsyento ng frozen Iranian assets o magbayad ng danyos sa pinsalang dulot ng digmaan.

Samantala, sinabi ng Mehr news agency na nais umano ng US na makuha sa negosasyon ang mga concession na hindi nito nakuha noong panahon ng digmaan, na maaaring magdulot ng deadlock sa usapan.

Noong Linggo rin, nagkaroon ng sunog malapit sa isang nuclear power station sa Abu Dhabi matapos ang drone strike, bagamat walang naiulat na nasaktan o epekto sa radiation levels.

Patuloy ding namamagitan ang Pakistan sa peace talks sa pagitan ng Iran at US. Nakipagpulong sa Tehran ang Pakistan Interior Minister Mohsin Naqvi kay Iranian negotiator at parliament speaker Mohammad Bagher Ghalibaf.

Ayon kay Ghalibaf, ang digmaan ng US at Israel laban sa Iran ay nagdulot ng destabilisasyon sa buong Middle East.

Tinalakay rin nina Trump at Chinese President Xi Jinping ang isyu ng Iran sa kanilang summit, ngunit wala pang malaking progreso sa usapan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here