Home OPINION BITAG NG SCAM

BITAG NG SCAM

NAI-SCAM ka na ba na gamit ang pag-text o pag-chat sa iyo? Andami kong nababasa na mga karanasan sa social media at sa mga balita nang panlolokong ganito sa ating mga kababayan.   Naging talamak noong isang taon ang mga credit card scam o fraud.  Sumunod naman ang mga nanalo raw sa electronic raffle.   O kaya naman ay mayroong trabaho na mayroong bakante at pwede ng magsimula. May online love scam pa noon.

Iba pa iyong mga scam na mayroong nagpapanggap na kamag-anak o kapamilya na naaksidente raw at kailangang-kailangan nang pera.   Nitong mga nakaraang linggo, ang mga bagong estilo naman ng mga scam ay ‘yung mga idinidikit sa mga artista na kesyo nanalo raw sa mga online shops o noontime show o mga game show at para makuha ang premyo ay kailangan lang na magpadala ng pera sa money courier.

Hati ang opinyon ko rito.

Sa isang banda, naniniwala pa rin ako na walang manloloko kung walang nagpapaloko.   Pwedeng ang isang tao ay talagang kulang sa kaalaman o kaya ay napakatanda na at medyo ulyanin na o mabilis mataranta, kaya siya ay madaling mabiktima ng mga ganitong paraan ng panloloko.   Masakit man sabihin, minsan talaga, katangahan na lang ang dahilan.

Kabilang banda naman, meron tayong mga kababayan na maniniwala talaga sa ganitong mga pagkakataon, dahil na rin sa sobrang kahirapan ng buhay maniniwala sila na baka ito na nga ang swerte na hinihintay nila.   Kapit sa patalim, kaya hindi naiisip na baka nga biktima na siya ng panloloko.

Sa parehong sitwasyon, sobrang kahirapan at desperasyon sa buhay, kaya natutulak ang mga biktima na gawin ang maling desisyon.

Naisip ko lang, ano na nga ba ang nangyari sa pwersahang SIM registration o pagrehistro natin lahat ng ating mga cellphone?  Akala ko kasi, pag nakumpleto na ang pagtatala ng lahat ng gumagamit ng cellphone, itong mga scam na ito ay meron ng solusyon.

Pero sa obserbasyon ko, lalong lumala, dumami, lumawak at mas naging epektibo pa nga yata ang pang-i-iscam ng mga sindikato.   Marahil merong palpak sa sistema o sa pamamaraan ng rehistrasyon kaya hindi nasawata ang scamming.

Dahil sa kapalpakan sa pagpapatupad ng batas at kakulangan ng gobyerno, marami pa din ang nabibitag ng mga scam.