Home OPINION CHA-CHA, AKAP AT LARO SA SENADO

CHA-CHA, AKAP AT LARO SA SENADO

HABANG pinagkakaguluhan o kaya’y nilalaro ng mga politiko natin ang yaman ng Pilipinas, patuloy naman ang pagpupusta ng buhay ng ating seamen para lang sila mabuhay at makaahon sa kahirapan.

ANG CHA-CHA

Kapapalit lang ng liderato sa Senado mula kay ex- Senate President Migz Zubiri patungo kay bagong Senate Pres. Chiz Escudero.

Dahil dito, mga Bro, walang nakaaalam kung ano ang mangyayari sa Charter change na inilalakad ng Kamara at ng ilan sa Senado.

Sabi ni Sen. Migz, gudbay na raw sa Cha-cha.

At nagtatanong naman si Sen. Chiz kung meron nga bang Cha-cha ngayon.

Sa kabilang banda, sinasabi naman ng mga pro-Cha-cha sa Kamara  mas madali na ngayon ang pag-usad nito ngayong si Sen. Chiz ang pinuno ng Senado, kahit sinasabi ng huli na hindi nagbago ang pagiging anti-Cha-cha nito.

AKAP AT IBA PA

Dahil ipinasak ang usapang Cha-cha sa Senado sa palitan ng liderato sa Senado, bigla rin naalaala ng ULTIMATUM ang mga maniobra umano sa pondong bayan para sa Cha-cha.

Itong sina Manang Imee Marcos at Sen. JV Ejercito ang naintriga mismo sa pondo para sa Cha-cha na nakakabit sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP fund na nagkakahalaga umano ng P26.7 bilyon.

Nang lumabas ang pondong ito na bahagi umano ng flagship project ng pamahalaang Marcos para sa mahihirap, parehong nagulat sina Manang Imee at Sen. JV kung paano naging bahagi ito ng 2024 national budget.

At nito ngang nakaraang Sabado, ginamit ang AKAP para bigyan ang 1,002,000 AKAP beneficiaries na nakatira sa 334 lugar ng P3,000 bawat isa mula sa halagang P3 bilyon.

Ang nakaiintriga, mga Bro, sinasabi ni Manang Imee na may malaki umanong tao na nasa likod ng AKAP bilang gamit sa pagpapalaganap ng Cha-cha.

Hindi pa binabawi ni Manang Imee ang sinabi nito noong Pebrero 2024 at isinama nito para sa Cha-cha ang TUPAD ng Dole at iba pa.

Ngunit sinasabi naman ng mga namimigay ng AKAP na para talaga sa mahihirap na walang kitang minimum wage at walang-wala ito.

Para umano sa pagkain, pagpapaospital o gamot at iba pa ang AKAP hindi para sa pagsusulong ng Cha-cha.

Alin man ang totoo sa mga pahayag na ito, hindi ba may misteryo rito?

Kung para talaga sa mga mamamayan o para sa pansariling interes ang AKAP at Cha-cha, lalabas at lalabas din ang katotohanan sa bandang huli.

YAMAN NILALARO LANG?

Maraming salamat sa balitang walang masamang nangyari sa 23 Pinoy seaman na crew ng M/T Wind Red Sea.

Tinamaan ng Houthi missile ang nasabing oil tanker na napakadelikado malapit lang sa parte ng Yemen na kontrolado ng mga Houthi.

Nakapangingilabot na isipin na kung nagliyab ang barkong oil tanker, may nawalan na naman sanang buhay na Pinoy seamen, katulad ng mga nasawi nang tamaan din ng missile ng Houthi ang barko nilang True Confidence nitong nakaraang Nobyembre 2023.

Napipilitang mangibang-bansa ang milyon-milyong Pinoy para makaahon sa kahirapan sa bansa at sinusuong ang mga panganib at kamatayan para rito.

Pero ang yaman ng bansa, kasama ang mga padala ng mga seaman, tila nilalaro lang ng iilang makapangyarihan.

Para kanino ba talaga ang Cha-cha, AKAP at iba pa?