Home NATIONWIDE PNP handang umalalay sa NBI sa pagbabalik ni Teves

PNP handang umalalay sa NBI sa pagbabalik ni Teves

MANILA, Philippines – Handa ang Philippine National Police (PNP) na mag-alok ng tulong nito sa National Bureau of Investigation (NBI) sa oras na bumalik sa bansa mula sa Timor-Leste ang pinatalsik na mambabatas na si ex-Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.

Mula nang arestuhin noong Marso 21, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na mahigpit na nakikipag-ugnayan ang PNP sa NBI sa oras na aprubahan na ng pamahalaan ang request para sa posibleng deportation ni Teves.

“If ever kailangan ang assistance ng PNP in terms sa possible pagbabalik niya dito, ‘yung ating custodial facility is available in case there is a need to temporarily detain him dito sa atin. The PNP is ready to provide,” sinabi ni Fajardo sa isang press briefing nitong Martes, Mayo 21.

“I understand ang ating gobyerno ay nag-e-exert ng effort nagpe-presenta ng evidence to show the East Timor government that we have enough legal basis to request for possible deportation ni Cong. Teves,” dagdag pa niya.

Matatandaan na hinuli ng mga miyembro ng Interpol si Teves habang naglalaro ng golf sa Timor-Leste. Mula noon ay naka-ditene na si Teves sa nasabing bansa.

Si Teves ay tinukoy na mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 2023 nang lusubin ng mga armadong kalalakihan ang residential compound nito.

Nahaharap din si Teves sa mga reklamo dahil sa kaugnayan niya umano sa pagpatay sa tatlong tao mula Marso hanggang Hunyo 2019 at sa paglabag sa gun-control laws matapos makuhanan ng high-powered weapons at rounds of ammunition sa kanyang family property. RNT/JGC