MANILA, Philippines – Itinuturong sanhi ng sunog sa parking lot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Abril na tumupok sa 19 na sasakyan ay ang hindi tamang pagtapon ng upos ng sigarilyo.
“Doon mismo kung saan nagsimula ang sunog, napakaraming cigarette butts na nakuha namin,” sinabi ni BFP Arson Investigation Division Chief Fire Superintendent Bayani Zambrano.
“No other ignition source except for the cigarette butts yun ang probable ignition source natin. Walang kuryente dun, wala namang pwedeng pagsimulan,” dagdag pa ni Zambrano.
Noong nakaraang buwan, sinabi ng Manila International Airport Authority (MIAA) na nasa 19 sasakyan na nakaparada sa open space na pinaparentahan ng Philippine Skylanders International, Inc. (PSI) ang nadamay sa sunog.
Ayon sa BFP, nasunog ang fuel hose ng itim na SUV dahil sa upos ng sigarilyo na pinalala pa ng matinding init ng panahon, malakas na hangin at mga tuyong damo.
Hindi naman inirekomenda ng BFP ang pagsasampa ng kaso laban sa sinumang indibidwal.
“Parang baga pa lang, parang hinihipan ng hangin ‘yan hanggang sa lumakas nang lumakas. It takes siguro 20 to 25 minutes bago siya tuluyang umapoy at gumapang,” ani Zambrano.
“Nung nag-drip ‘yun, syempre nag-add ‘yung fuel load sa dried leaves doon nabutas hanggang ‘yung buong tangke nya ay nabutas nya kaya medyo malakas yung naging labas ng krudo,” dagdag pa niya.
Wala pang tugon ang PSI sa resulta ng imbestigasyon ng BFP. RNT/JGC