Home OPINION TULONG SA EX-REBELS PINALALAKAS NG DSWD, OPAPRU

TULONG SA EX-REBELS PINALALAKAS NG DSWD, OPAPRU

NAGSAMA at nagkita sina Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian at Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez, Jr. noong Biyernes upang pag-usapan ang mga maitutulong pa sa mga dating rebelde na nagsisuko na.

Napag-usapan na rin ng dalawang kalihim, ang ‘reintegration process’ o paanong mapabubuti ang  ex-rebels sa kanilang pagbabalik sa kanilang pamilya, komunidad matapos magbalik-loob sa pamahalaan.

Maganda ito dahil siguradong ‘di mawawalan ng suporta ang mga nagsisukong rebelde sa muli nilang pagbabalik sa lipunan. Aalalay ang DSWD sa kanila.

Nakikita ko ang aktibong partisipasyon dito ni DSWD Undersecretary for Inclusive-Sustainable Peace and Special Concerns na si Alan Tanjusay.

Mahusay ang mamang ito, dahil galing ito sa hanay ng mga manggagawa. Dati siyang tagapagsalita ng Trade Union Congress of the Philippines at pihadong alam niya ang mga pangangailangan ng mga ex-rebel lalo na kung hanap-buhay ang unang-unang dapat ay magkaroon ang mga ito.

Napusuan ni Pangulong Bong Bong Marcos si Usec. Tanjusay na mapasama sa DSWD dahil nakita nito ang kapasidad ng mamang ito.

‘Yan din ang husay ng pamahalaan natin ngayon sa hangaring maging payapa ang bansa at ang lahat ng mga kumakalaban dito ay mapasuko at matulungang maiahon sa lagi nilang sinasabi na kahirapan ang nagtulak sa kanila para labanan ang pamahalalaan.

Ang mga paraan na ito ni PBBM na pagtatalaga ng mga taong babagay sa pwestong may mahalagang papel, ang siyang sasagot sa mga idinadahilan ng mga rebelde sa bansa.

Kung makikita kasi ng mga rebelde ang inaalay ng pamahalaan sa pamamagitan nang pagsasanib-pwersa ng mga ahensiya ng pamahalaan para sila ay matulungan, pihado tayong aayain na ng mga nagsisukong mga rebelde ang kanilang mga kasamahan na itigil na ang paglaban sa pamahalaan.

‘Pag nangyari ito, siguradong kasunod na ang inaasam na kapayapaan at kaunlaran dahil wala nang manggugulo sa bawat bayan ng Pilipinas nating mahal.