MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Philippine Coast Guard (PCG) ang sea travel nitong Lunes ng umaga, Setyembre 30 sa northern Quezon dahil sa masamang panahon dulot ng bagyong Julian.
Inanunsyo ng PCG station sa bayan ng Real ang suspensyon ng biyahe sa lahat ng sasakyang dagat na maglalayag sa nasabing ruta sa kani-kanilang lugar dahil na rin sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 at posibleng epekto ng masamang panahon.
“All vessels are reminded to take precautionary measures and be extra vigilant in monitoring the movement of the typhoon if deemed to be affected by said weather disturbance,” sinabi ng PCG sa kanilang anunsyo publiko.
Saklaw ng istasyon ng PCG ang Polillo group of islands sa Pacific Ocean na sakop ang bayan ng Polillo, Burdeos, Panukulan, Jomalig, at Patnanungan.
Sinabi ng mga awtoridad na ang mga sasakyang pandagat na nagnanais na sumilong ay pinahihintulutan, “hangga’t ito ay ipinahayag sa pamamagitan ng written request at walang pasahero/kargamento ang papayagang sumakay.”
Ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat ay magpapatuloy hanggang sa susunod na abiso at sa pagbuti ng lagay ng panahon at dagat, idinagdag ng PCG. Jocelyn Tabangcura-Domenden