MANILA, Philippines- Bumalik na ang byahe ng Philippine National Railways (PNR) sa rutang Naga – Legazpi, ngayong Pebrero 26.
Ayon sa PNR, umalis ang tren sa Legazpi Station sa ganap na alas-4:49 ng umaga at sinundan ng biyahe bandang alas-5:50 ng hapon.
Ayon kay General Manager Deovanni S. Miranda, pansamantalang dalawang biyahe muna ang mayroon sa nasabing ruta, habang patuloy ang ‘repair’ sa isa pang trainset na idadagdag sa biyaheng Albay papuntang Camarines Sur.
“Lubos po akong nagpapasalamat sa mainit na pagtanggap ng mga Bicolano sa muling pagbabalik ng serbisyo ng PNR sa Legazpi to Naga. Makakaasa po ang ating mga mananakay na sa mga susunod na buwan ay magdadagdag pa po tayo ng oras ng biyahe sa rutang ito, para makapagbigay pa ng mas mabilis, ligtas, at abot-kayang pampublikong transportasyon,” sabi ni GM Miranda.
Nagsakay at nagbaba ng pasahero ang PNR sa mga istasyon sa Legazpi, Daraga, Travesia, Ligao, Polangui, Iriga, Pili, at Naga, gayundin sa flagstops sa Kapantawan, Washington Drive, Bagtang, Oas, Matacon, Bato, Lourdes (Old), at Baao.
Ang regular na pamasahe sa naga papuntang Legazpi ay magsisimula sa P20 hanggang P155.
Discounted naman ang mga estudyante, Persons With Disbalities (PWDs), at senior citizens, na may dalang lehitimong ID. Magsisimula ang kanilang pamasahe sa P12 hanggang P124.
Para sa mga pasahero ng PNR, malaking bagay ang pagbabalik ng biyahe, bukod sa mura ang pamasahe, mabilis ito kumpara sa ibang sasakyan.
Tumatagal ang biyahe ng tatlong oras at labing-apat na minuto, na bumabagtas sa 100 kilometrong haba ng riles.
Sa pagbabalik ng biyahe, hinihikayat ni GM Miranda ang kooperasyon at pakikipagtulungan ng publiko sa pagsunod sa ipinatutupad na mahigpit na seguridad ng PNR para sa ligtas na operasyon ng tren sa rehiyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden