CEBU CITY- Lapnos ang ulo at katawan ng isang 84-anyos na ina matapos itong paliguan ng gasolina at silaban ng kanyang lasenggerong manugang, iniulat kahapon sa bayan ng Carcar.
Patuloy na ginagamot sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) Cebu ang biktimang si Lolita Lico-an, biyuda, at residente ng Sitio Cambuntan, Barangay Bolinawan, Carcar, Cebu.
Agad namang nadakip ang suspek at manungang nitong si Ignacio Brade Tribunalo, 55, taga Panaghiusa Dos, Barangay Tunghaan, Minglanilla, Cebu.
Ayon kay Police Staff Sgt. Japeth Saavedra, imbestigador ng Carcar City Police Station, bandang alas-3:20 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente naglalaba ang biktima nang dumating ang suspek sa bahay nito sa nabanggit na lugar para hanapin ang kanyang asawang si Suzette, anak ng biktima.
Tinanong ng suspek ang kanyang biyenan subalit sinagot niya itong hindi niya alam kung saan nagpunta ang anak.
Nagalit ang suspek at naniniwalang itinatago lamang ang kanyang asawa ng ina nito (biyenan).
Dahil dito, binuksan ng suspek ang mga dala nitong bote na may lamang gasolina at ibinuhos sa ulo at katawan ng kanyang biyenan saka sinindihan.
Lumiyab ang biktima kaya agad namang humingi ng tulong ang 11-anyos na anak ng suspek sa kanilang mga kapitbahay.
Mabilis namang nakahingi ng tulong ang mga residente sa mga awtoridad at agad na dinala sa ospital ang biktima.
Hindi na nagawang makatakas ng suspek matapos itong harangin ng mga residente at pinosasan ng mga rumespondeng pulis.
Bago ang insidente, nagpasyang lumayas si Suzette dahil madalas umano itong sinasaktan ng suspek tuwing nalalasing.
Nahaharap ngayon sa kasong frustrated murder an suspek na ngayon ay nakakulong sa lock-up cell ng Carcar-PNP. Mary Anne Sapico