Home METRO BJMP naglatag ng mga hakbang para sa mga PDL kontra init

BJMP naglatag ng mga hakbang para sa mga PDL kontra init

MANILA, Philippines- Tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nakalatag na ang mga hakbang nito para maprotektahan ang mga person deprived of liberty (PDL) sa inaasahang lalong pagtindi ng init ng panahon.

Inatasan na ni BJMP chief Jail Director Ruel Rivera ang lahat ng jail facility na i-monitor ang health conditions ng mga PDL partikular na sa Metro Manila kung saan magdudulot ng malubhang panganib ang matinding init at siksikan sa mga piitan.

Binigyan-diin ni Rivera na kailangang maging maagap upang maiwasan na magkasakit ang mga PDL na maaaring makuha sa init ng panahon.

Bilang tugon, nakaalerto na 24/7 ang mga jail health personnel at jail nurse ng BJMP para tumugon sa mga medical emergency.

Mahigpit ang kautusan ni Rivera na ayusin ang bentilasyon sa mga piitan gaya ng paglalagay ng exhaust fans at ventilation shafts upang mapabuti ang airflow sa mga siksikang kulungan.

Nakipag-ugnayan na rin ang BJMP sa Bureau of Fire Protection para matiyak ang supply ng tubig sa mga jail facility.

Maaga pa lang ay nakabili na rin ang BJMP ng mga kinakailangang gamot dahil sa inaasahang pagtaas ng kaso ng mga sakit na may kaugnayan sa panahon ng tag-init. Teresa Tavares