MANILA, Philippines- Sinuri ng Commission on Elections ang kapasidad ng ‘trusted build’ sa kanilang pilot online voting at counting system para sa May 12 midterm elections.
Ang kaganapan ay dinaluhan ng mga miyembro ng Comelec, Technical Evaluation Committee at election observers tulad ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting at National Citizens’ Movement for Free Elections.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ito na ang huling pagsubok para sa kanilang sistema na kinasasangkutan ng kanilang source code.
Inaasahan ng komisyon na maglalabas ng sertipikasyon para sa Automated Election System pagkatapos nito.
Sinabi ni Garcia na isang international certifier ang darating sa susunod na linggo upang saksihan ang sealing ng source code, na kalaunan ay idedeposito sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Ang sertipikasyon ay isusumite sa Technical Evaluation Committee, isang independent body na binubuo ng mga indibidwal mula sa poll body, Department of Science and Technology, at Department of Information and Communications Technology. Jocelyn Tabangcura-Domenden