MANILA, Philippines- Inatake ng isang grupo ang sinasakyang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) van ng isang jail officer, na ikinasugat niya, sa Cavitex nitong Lunes ng tanghali.
Sinabi ni Police Colonel Melvin Montante, hepe ng Parañaque Police, nagmula saMakati Regional Trial Court (RTC) Branch 235 ang BJMP van kung saan natukoy na isang Chinese inmate na nahaharap sa kasong carnapping sa lungsod ang sakay nito.
“Based on the information provided to us ng Paranaque BJMP, itong PDL nila from Paranaque City Jail ay dinala nila sa Makati, that morning, kasi may inaattendan na court hearing. From there pabalik sana sila sa City jail, 12:20pm, doon sila hinarangan ng 2 motor vehicle,” pagbabahagi ni Montante.
Batay sa ulat, sumiklab ang engkwentro sa pagitan ng apat na BJMP officers na sakay ng van at ng mga suspek. Dinala sa ospital ang isa sa jail officer na nabaril sa kanang balikat.
Nakatakas umano ang isa sa mga sasakyan na humarang sa BJMP officers habang napigilan ang tangkang pagpuga ng isa pang sasakyan subalit bumangga ito sa isang puno malapit sa Parañaque Wetland Park.
“Our operation conducted 12:20 right after the call from 911 central and after 2-3 minutes there was a call also from BJMP Paranaque, saying there was a shooting incident [that] transpired dito bandang after ng paglagpas ng toll gate sa Cavitex,” wika ni Montante.
“Ang inabot namin doon sa area is yung sasakyan ng BJMP na may tama, at yung Mitsubishi Expander,” patuloy ng opisyal.
Dahil dito, naaresto ng Parañaque police ang dalawang Chinese at apat na Pilipinong sakay ng sasakyan.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, naganap ang pananambang sa sasakyan ng BJMP dahil nais itakas ang Chinese inmate na sakay nito.
Lumabas pa sa imbestigasyon na kagrupo ng mga nahuling Chinese ang inmate.
“The purpose of this extrication, para irescue nila itong suspek as their boss. Then the 4 Filipinos, nagamit lang and they will pay P25,000 each after,” giit ni Montante.
“He [inmate] is a Chinese national, involved in a series of activity, particularly, kidnapping, extortion, carnapping, gun running. Last 2022 ay kidnapping, 2023 ay carnapping naman, same sa Makati, kaya may hearing siya kanina, that transpired last year, involved siya sa road rage,” dagdag niya.
Hindi naman nagkomento ang ang mga Chinese suspect.
“Mag-aabang lang daw po kami sa likod lahat tapos sila [Chinese] daw ang kukuha sa boss nila,” base sa isa sa mga Pilipinong suspek.
Ayon sa ulat, magpi-pinsan umano ang tatlo pang Pinoy na suspek.
Kasalukuyang nakapiit sa Parañaque City Police ang mga suspek na kakasuhan ng frustrated and attempted murder, RA 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunition, paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Omnibus Election Code. RNT/SA