Home NATIONWIDE Reckless CCG maneuvers sa Panatag shoal, kinondena ni TOL

Reckless CCG maneuvers sa Panatag shoal, kinondena ni TOL

MANILA, Philippines- Kinondena ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang “reckless and dangerous” maneuvers ng isang Chinese Coast Guard (CCG) vessel na muntik nang bumangga sa isang patrol ship ng Pilipinas sa pinag-aagawang karagatan sa Panatag (Scarborough) Shoal noong Linggo.

Ang aksyon ng CCG, ayon kay Toloentino, ay isa ring tahasang paglabag sa internasyonal na batas at pagsuway sa soberanya ng Pilipinas.

Binigyang-diin ni Tolentino, sa isang pahayag, na ang Panatag Shoal ay nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, na pinagtibay ng 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague.

Iginiit din niya ang bagong isinabatas na Philippine Maritime Zones Act (Republic Act No. 12064), na tumutukoy sa mga hanggahang pandagat at idiniin ang mga karapatan ng bansa sa ilalim ng internasyonal na batas.

“Ang agresibong maniobra na ito ay hindi lamang naglagay sa panganib sa buhay ng ating magigiting na maritime personnel, bagkus ay isa ring tahasang paglabag sa internasyonal na batas at mga karapatan sa soberanya ng Pilipinas,” aniya.

Nagtaas din ng alarma ang senador sa isang hiwalay na insidente na kinasasangkutan ng isang Chinese research vessel na nakita malapit sa Batanes, malapit sa hilagang baybayin ng Taiwan, na inilarawan niya bilang isang “deeply troubling concern.”

Sinabi niya na ang presensya ng barko sa hilagang maritime zone ay nagpapatunay sa pagiging agresibo ng Beijing na nagdudulot ng seryosong banta sa panrehiyong seguridad at katatagan. RNT