MANILA, Philippines- Inihirit ng Malakanyang kay Senator Imee Marcos na imbitahan ang mga international legal expert sa kanyang imbestigasyon sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte.
”Mas maganda po na makapagimibita pa siya ng international law experts para mas maliwanagan pa siya,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Sa kanyang preliminary findings, binigyang-diin ni Imee Marcos na may mga umano’y paglabag na nagawa sa pag-aresto sa dating Pangulo.
Kinastigo rin ng senador ang hindi pagdalo at pang-iisnab ng Cabinet officials sa second Senate committee hearing sa pag-aresto kay Digong Duterte, nagduda ito na may “cover up” sa events na nangyari sa panahon ng operasyon laban kay Digong Duterte.
Sa ulat, tiniyak ni Senate President Chiz Escudero na pupunta na ngayong linggo ang mga opisyales na inimbitahan ni Senadora Imee Marcos upang dumalo sa pagdinig ng kanyang komite hinggil sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.
Ngunit mula sa naunang iskedyul na pagdinig sa Martes ay inilipat ito sa Huwebes.
Naniniwala naman si Escudero na hindi na kailangan pang isyuhan ang mga ito ng subpoena para dumalo lalo’t nai-commit naman umano na mapadadalo rito si PNP-CIDG Chief PMGen Nicolas Torre III.
Nilinaw naman din niyang walang problema kung gagamitin nila ang kanilang executive privilege sa pagsagot sa mga katanungan.
Maalalang sa ikalawang pagdinig na ikinasa ni Marcos ay wala ni isa mula sa gabinete ng Pangulo ang dumalo matapos magpadala ng mensahe ni Executive Secretary Lucas Bersamin. Kris Jose