Home NATIONWIDE Blue alert pinairal ng NDRRMC sa LPA sa E. Visayas

Blue alert pinairal ng NDRRMC sa LPA sa E. Visayas

MANILA, Philippines- Itinaas ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang Operations Center (NDRRMOC) alert status sa blue ng alas-3 ng hapon bilang tugon sa isang low-pressure area (LPA) malapit sa Guiuan, Eastern Visayas.

Ayon sa pahayag nitong Biyernes, nilalayon ng NDRRMC na ibsan ang epekto ng malawakang pag-ulan, pagbaha, at rain-induced landslides dahil sa LPA at sa Southwest Monsoon.

Inatasan lahat ng Regional and Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (R/LDRRMCs), maging OCD Regional Offices, na magpatupad ng kanilang minimum preparedness checklists, kabilang ang pagpapakilos sa ilang response teams, paghahanda ng emergency resources, at pagtatatag ng communication systems.

Inatasan din ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), at Philippine National Police (PNP) na maging handa para sa immediate response.

“Early action in disaster preparedness is vital, with the OCD’s goal to stay ahead of disasters to reduce their impact on lives and livelihoods,” pahayag ng ahensya.

Batay sa NDRRMC, itinaas ang blue alert status upang paghandaan ang “slow-onset hazard events.”

Nauna nang iniulat ng PAGASA na namataan ang LPA sa 240 kilometers sa silangan ng Virac, Catanduanes dakong alas-3 ng hapon at may “medium chance” na maging tropical depression sa susunod na 24 oras. RNT/SA