MANILA, Philippines- Ipinasara ng Department of Trade and Industry (DTI) ang isang bodega sa Valenzuela City sa umano’y pagbebenta ng hindi bababa sa P7.8 milyong halaga ng unregistered products.
Base sa ulat nitong Biyernes, nagsagawa ng operasyon ang DTI Business Permit and Licensing Office (BPLO) sa warehouse noong nakaraang lingo matapos magreklamo ng isang customer hinggil sa rice cooker na binili nito online. Subalit, nagulat ang mga awtoridad nang madiskubreng nakatago sa storage facility ang nasa P7.8 milyong halaga ng uncertified o unregistered home appliances.
“Last June 26, nabigyan po natin sila ulit ng last warning para i-submit,” pahayag ni BPLO Valenzuela Team Leader Frederick Olleres.
“Hindi s’ya dumaan sa proper testing ng Bureau of Philippine Standard (BPS). Yung quality nila sub-standard. Paano kasi wala, hindi pa s’ya pumapasa sa product standard certification ng BPS,” dagdag niya.
Ayon sa DTI-BPLO, imported umano ang mga produkto subalit itinanggi ng manager ng warehouse ang mga alegasyon.
“Kasi di po namin ma-claim kung inimport po ba nila ‘yung products or na purchase po nila locally. Hinihingan namin sila ng proof kung talagang locally-purchased products nila,” wika ni Ollares.
Giit naman ng manager ng storage facility, tumatalima sila sa rekisitos ng DTI.
“Nagko-comply naman kami. Inaayos naman namin mga documents. Inaayos namin yun. As long as mapabilis,” anang manager.
Hinikayat ng DTI-BPLO ang publiko na iulat ang unregistered products kasabay ng babala nito sa panganib ng paggamit at pagbili ng nasabing appliances. RNT/SA