MANILA, Philippines – Inilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority nitong Miyerkules, Setyembre 10 ang paggamit ng body-worn cameras para sa No Contact Apprehension Program (NCAP).
Para rito, sinabi ng MMDA na binuo ang Swift Traffic Action Group (STAG) para tutukan ang mga sagabal at illegal parking violations sa mga kalsada sa Metro Manila at ang Mabuhay Lanes.
Ang grupo na may 100 tauhan ay magkakaroon ng body cameras at pamumunuan ni Bong Nebrija.
“Sa actual operations po, wala na pong interaction na ganyan. Basta magbi-video lang, iiwan ‘yung notice of violation,” pahayag ni MMDA chairperson Romando Artes.
“Kung may driver, iaabot sa kanya ‘yung notice. Kung wala, iiwan po sa windshield,” dagdag pa.
Ani Artes, ang posibleng violator ay mkakatanggap muna ng notice of violation. Ang kaso ay ia-upload sa system at sasailalim sa manual review ng command center ng MMDA.
Kung maberipika ang paglabag, makakatanggap ng ticket ang violator sa pamamagitan ng text message o email sa loob ng 24 oras mula sa oras ng pagkakahuli.
Ang ticket ay makikita rin sa May Huli Ka website ng MMDA.
Maaari namang bayaran ng violators ang kanilang multa online o sa opisina ng MMDA. RNT/JGC