Home NATIONWIDE Bohol LGU walang natanggap na DENR closure order vs Chocolate Hills resort

Bohol LGU walang natanggap na DENR closure order vs Chocolate Hills resort

MANILA, Philippines – Wala pang natatanggap na closure order mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lokal na pamahalaan ng Sagbayan, Bohol para sa resort na itinayo sa Chocolate Hills protected area.

“Kahapon lang namin nalaman na meron pa lang temporary closure order ang DENR. Kasi walang binibigay sa amin na furnished copy ng temporary closure order,” pahayag ni Felito Pon, executive secretary ng Office of the Sagbayan Mayor, sa panayam ng GMA News nitong Huwebes, Marso 14.

“Kung alam namin ‘yung temporary closure order ay sa application for renewal ay hindi na po mare-renew,” dagdag niya.

Ani Pon, ilan sa mga aplikasyon na may kaugnayan sa resort ay nakaabot sa lokal na pamahalaan noong 2018 at ang mga ito ay nairefer na sa Protected Area Management Board (PAMB).

Para sa Sagbayan government, sinabi ni Pon na maaaring bawiin ang business permit ng resort kung may nagawa silang mga paglabag.

“Sa amin naman sa LGU, mare-revoke nila ‘yung business permit nila‚Ķ kapag mayroong batas na nilabag, may kapangyarihan po ‘yung local chief executive natin na bawiin, ikansela ‘yung business permit nila,” dagdag niya.

Matatandaan na nag-viral sa social media ang Captain’s Peak Garden and Resort na matatagpuan sa paanan ng isa sa mga burol ng Chocolate Hills.

Agad na naglabas ng pahayag ang DENR at sinabing naglabas sila ng temporary closure order noong Setyembre 2023 at violation notice laban sa establisyimento noong Enero 2024.

Ayon sa DENR, ang resort ay nag-ooperate na walang environmental clearance certificate (ECC). RNT/JGC

Previous articleTolentino bumisita sa Navotas City
Next article2 tiklo sa P6.8M shabu sa QC