MANILA, Philippines – Binulabog ng bomb threat ang Jose Abad High School na matatagpuan sa kahabaan ng Numancia St., malapit sa kanto ng Muelle Dela Industria St., Binondo nitong Huwebes.
Ayon sa pulisya, nakatanggap ng mensahe ang isang 17-anyos na estudyante na may Facebook account name na Kiko Lorenz.
Batay sa mga pahayag na ibinigay ng mga testigo, bago ang pangyayari habang sila ay nasa nasabing eskwelahan, nakatanggap siya ng mensahe mula sa kanyang Facebook Messenger na nagmula sa kapwa mag-aaral na si “AP”, na nagsasabing “JUST U TO KNOW, I PLANTED 3 BOMBS TO YOUR SCHOOL JOSE ABAD SANTOS THERE ARE 3 BOMBS IN HERE FROM DIFFERENT BUILDINGS” na may kasamang larawan ng umano’y bomba.
Agad naman niyang ipinaalam sa kanilang guro ang insidente at inireport sa San Nicolas PCP.
Hinalughog ang buong pasilidad at matapos ang masusing paneling walang bomba at mga mapanganib na materyales ang natagpuan.
Nagsasagawa na ng karagdagang imbestigasyon ang pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan at maaresto ang suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden