Home NATIONWIDE Bong Go bumisita sa Bukidnon, tiniyak na gumagana ang mga serbisyo ng...

Bong Go bumisita sa Bukidnon, tiniyak na gumagana ang mga serbisyo ng gobyerno

MANILA, Philippines – BUMISITA si Senator Christopher “Bong” Go, noong Sabado, sa Bukidnon para sa isang serye ng aktibidad para tiyaking napakikinabangan o nakararating sa mahihirap ang mga serbisyo mula sa gobyerno.

Kabilang sa mga lugar na kanyang binisita ay ang Sumilao, Bukidnon kung saan nag-inspeksyon siya sa fire station, at sa isang bagong firetruck bilang pangunahing may akda at co-sponsor ng BFP Modernization Act.

Bilang chairman naman ng Senate committee on health and demography, ininspeksyon din ni Go ang pagtatayo ng Super Health Center sa Sumilao na inaasahang maglalapit sa primary care, medical consultations at early disease detection sa komunidad.

“Pwede diyan ang panganganak, dental, laboratory, x-ray. Diyan na ang Konsulta ng PhilHealth, diyan na ang primary care ng Universal Health Care. Hindi n’yo kailangan na bumiyahe pa sa mga hospital. Iyan ang hangarin ng Super Health Centers na ating isinulong — para ilapit ang serbisyong medikal sa mga komunidad,” paliwanag pa ni Go.

Sa sama-samang pagsisikap ni Go, ng Department of Health (DOH), local government units, at mga kapwa mambabatas, kabilang si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na tubong Bukidnon, ay naglaan ng sapat na pondo para sa pagtatayo ng mahigit 700 Super Health Centers sa buong bansa, kabilang ang 15 sa Bukidnon.

Pumunta rin si Go sa Barangay Kisolon Covered Court at namahagi ng rice packs, pagkain, vitamins, shirts, masks, at balo para sa volleyball at basketball sa 500 displaced workers.

Namahagi rin siya ng mga bisikleta, sapatos, mobile phone, at relo.

Nakipagtulungan din si Go sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.

Pinasalamatan ng senador ang mga lokal na opisyal ng Sumilao, kabilang sina Congressman Jose Manuel Alba, Mayor Jose Antonio Villo, at Vice Mayor George Jeremy Baula, sa kanilang dedikasyon na matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.

Matapos nito ay nagtungo sa Malaybalay ang senador, tumulong sa mas maraming displaced workers, at nag-inspeksyon sa isa pang Super Health Center doon bago dumalo sa birthday celebration ni Senate President Migz Zubiri.

Nauna rito, nakiisa rin si Go kay Senator Imee Marcos sa pagtulong sa mga mahihirap na residente sa Impasug-ong. Nakipagpulong sila sa mga opisyal, bumbero at trainees ng Bureau of Fire Protection Region X at sinaksihan ang groundbreaking ng fire station sa Impasug-ong. RNT