MANILA, Philippines – Hindi muna mag-iisyu ng traffic violation tickets ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga e-bike kahit nagsimula na ang pagbabawal sa mga ito sa mga national road sa Metro Manila.
Sa pulong balitaan, sinabi ni MMDA Chairperson Romando Artes nitong Lunes, Abril 15, na sisimulan nila ang pag-iisyu ng ticket sa Abril 17 bilang konsiderasyon sa nagpapatuloy na strike ng ilang grupo maging ang information dissemination campaign ng ahensya.
“Yung sa e-trikes and e-bikes po, ngayong araw po ang simula ng implementasyon. Pero hindi pa po kami magti-ticket. Maninita lamang po kami. Ito po ay part ng information campaign and in consideration po na may tigil pasada ngayon,” ani Artes.
“Pero hindi po ibig sabihin na pwede kayong dumaan pa rin. Bawal na rin po kayong [dumaan]. It’s just that hindi kami magti-ticket at paaalisin lamang po kayo,” giit niya.
Ayon kay Artes, tatagal hanggang bukas, Abril 16 ang information dissemination campaign.
Matatandaang sinabi ng MMDA na ipapataw ang P2,500 multa sa mga taong lalabag sa batas, ngunit para sa mga walang lisensya o vehicle registration documents, ang kanilang mga e-bike ay i-impound.
Sa ilalim ng inilabas na circular ng MMDA, ipinagbabawal na ang pagdaan ng mga e-vehicles sa mga sumunod na kalsada:
Claro M. Recto Avenue, Manila
President Quirino Avenue, Manila
Araneta Avenue, QC
Epifanio Delos Santos Avenue
Katipunan/C.P. Garcia, QC
Southeast Metro Manila Expressway
Roxas Boulevard
Taft Avenue
Osmeña Highway
Shaw Boulevard
Ortigas Avenue
Magsaysay Boulevard/Aurora Boulevard
Quezon Avenue/Commonwealth Avenue
A. Bonifacio Avenue
Rizal Avenue
Del Pan/Marcos Highway/McArthur Highway
Elliptical Road
Mindanao Avenue
Marcos Highway
Boni Avenue
España Boulevard
Nakatakdang tukuyin pa ang ilang mga kalsada na idaragdag sa listahan. RNT/JGC