Muling ipinaalala ni Senator Christopher “Bong” Go sa lahat na palakasin ang bayanihan sa mga komunidad at unahin ang kanilang kalusugan at kapakanan sa gitna ng mapanghamong panahon.
Noong Sabado, bumisita si Go sa San Jorge, Samar bilang bahagi ng isang linggong pagdiriwang ng Araw ng Samar. Sa kanyang pagbisita, nakiisa si Go sa pagtitipon ng mga community health frontliners upang isulong ang kahalagahan ng healthcare lalo sa mahihirap na sektor.
Isinagawa sa San Jorge Municipal Covered Court, nakipagtulungan si Go sa pamahalaang panlalawigan sa pamamahagi ng suporta sa healthcare frontliners. Muling iginiit ng senador ang kahalagahan ng pagtutulungan para sa ikabubuti ng mga komunidad.
“Ang importante dito ay magtulungan lang po tayo at magmalasakit. Huwag tayong mawalan ng pag-asa dahil andito lang ang gobyerno palaging magseserbisyo at magmamalasakit sa inyo. Hindi namin kayo pababayaan,” paniniyak ni Go.
“Pakiusap ko sa mga local official, huwag ninyong pabayaan ang mga kababayan natin, lalo na ‘yung mga mahihirap dahil kayo lang ang matatakbuhan nila,” patuloy niya.
Namahagi ang Malasakit Team ng mga grocery packs, kamiseta, basketball, volleyball, bitamina, at meryenda sa 1,000 indibidwal na binubuo ng Barangay Health Workers (BHW), daycare workers, at Barangay Nutrition Scholars (BNS). Namigay din ang senador ng mga bisikleta, sapatos, mobile phone, at relo sa mga piling benepisyaryo.
Katuwang ang kapwa senador na si Robin Padilla at ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Gobernador Sharee Ann Tan, Congressmen Stephen James Tan at Reynolds Michael Tan, Vice Governor Arnold Tan, Mayor Leoncio De Guia at Vice Mayor Jay Bisnar, namahagi rin sila ng tulong pinansyal sa mga benepisyaryo.
Upang matiyak ang patas na kompensasyon at benepisyo para sa frontliners, inihain ni Go ang Senate Bill No. 427, kilala rin bilang Barangay Health Workers Compensation.
Layon nito na mapabuti ang mga benepisyo sa kompensasyon para sa mga BHW kung maisasabatas bilang pagkilala sa kanilang napakahalagang kontribusyon sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa healthcare, pagpapataas ng kamalayan sa kalusugan, at pangangalaga sa kapakanan ng komunidad.
Nag-akda at co-sponsor din siya sa Republic Act No. 11712 na nagbibigay ng mandatoryong tuloy-tuloy na benepisyo at allowance sa mga pampubliko at pribadong healthcare worker (HCWs) sa panahon ng pandemya ng COVID-19 at iba pang public health emergency.
Kamakailan lamang, muli iginiit ni ni Go ang kanyang panawagan sa Department of Health (DOH) at Department of Budget and Management (DBM) na pabilisin ang pagpapalabas ng health emergency allowance ng mga kwalipikadong HCW.
Samantala, pinayuhan ni Go ang mga residente na may mga medikal na isyu na bumisita sa Malasakit Center sa Samar Provincial Hospital sa Catbalogan City para sa tulong medikal na suportado ng gobyerno.
Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop na idinisenyo upang tulungan ang mga mahihirap na pasyente na mabawasan ang kanilang mga gastos sa medikal sa pinakamababang halaga.
Sa araw ding iyon, mas marami pang maralita, health workers, at kooperatiba sa Catbalogan City ang inayudahan ni Go. Siya rin ang naging panauhing tagapagsalita para sa Samar Educator’s Day. RNT