MANILA, Philippines – NANANATILI ang suporta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno sa kabila ng Senate resolution na nagrerekumenda ng suspensyon nito.
Ito ang sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Teofilo Guadiz III sa isang programa ng mga nagpo-protestang drivers at operators na tumalima na sa PUVMP sa Mendiola sa Maynila.
“Tuloy-tuloy ang programa. Sinusuportahan ng Pangulo ang programa. At tuloy-tuloy ito hanggang sa matapos po ‘yung final stages ng modernisasyon,” ang sinabi ni Guadiz.
“Makakaasa po ang buong bayan, sa suporta ng Department of Transportation, ang Pangulo ay nasa kanila. Walang mangyayaring suspensyon. Tuloy-tuloy po ang programa,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, mahigit 100 na tsuper at operator ang nagtipon sa Welcome Rotonda sa Quezon City ngayong araw ng Lunes, Agosto 5 bilang protesta sa inihain na resolusyon ng Senado na suspendihin ang Public Transport Modernization Program (PTMP).
Ang resolusyon ay isang paglalahad ng sentimiyento o posisyon ng Senado. Hindi nito mapipigilan mismo ang PTMP ng Department of Transportation.
Kahit masama ang panahon ay tuloy ang maikling programa nila sa lugar dakong 6 ng umaga.
Sinundan ito ng isang “Unity Walk” kung saan magmamartsa sila mula sa Welcome Rotonda patungong Mendiola.
Ayon kay Ed Comia, convenor ng Angat Kooperatiba at Korporasyon ng Alyansang Pilipino (AKKAP MO), ilang ruta rin ng modern jeep ang hindi bumiyahe ngayong araw tulad ng sa San Jose del Monte sa Bulacan, at sa Antipolo at Montalban sa Rizal.
Apektado rin ang ilang ruta sa mga lungsod ng Caloocan at Las Piñas.
Humihingi rin sila ng paumanhin sa mga naapektuhang pasahero.
May panawagan din sila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr:
“Malinaw ang mensahe na gusto namin iparating sa Pangulo kinakailangan na huwag niyang pakinggan ang rekomendasyon ng Senado na ibasura niya ito at pagbigyan niyang umusad ang modernization program.”
Ayon kay Comia, ang pagsali nila sa PTMP — na mas kilala bilang Public Utility Vehicle Modernization Program — at ang pagsulong ng implementasyon nito ay para rin sa mga pasahero.
Nakapuwesto naman sa lugar ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority, QC Task Force for Traffic Management at Manila Police District personnel upang masigurong hindi makaabala sa mga commuter ang kilos protesta. Kris Jose