COTABATO CITY – Naglunsad ng manhunt ang mga awtoridad ng pulisya, suportado ng tropa ng militar, laban sa mga armadong lalaki na tumambang at pumatay sa isang bise alkalde at escort nitong pulis sa Barangay Pandan, South Upi, Maguindanao del Sur, bandang alas-5 ng hapon ng Biyernes, Agosto 2.
Sinabi ni Col. Roel Sermese, Maguindanao del Sur Police director, na tinutugis ng South Upi municipal police ang ilang lead na makakatulong sa pagtukoy at pag-aresto sa mga pumatay kay Vice Mayor Roldan Benito at isang bodyguard na kinilalang si Weng Marcos.
Sugatan din sa pananambang ang asawa ni Benito na si Analyn at ang kanilang 11-anyos na anak na pawang mga taga-Sityo Bahar, Barangay Pandan. Ang isa pang bata, na may edad na 13, ay hindi nasaktan.
Ang asawa ng bise alkalde ay ang tsreman ng Barangay Pandan.
Sinabi ni Capt. Amer Hussein Disomangcop, hepe ng South Upi police, sakay ang mga biktima sa isang pick-up vehicle na minamaneho ng bise alkalde pauwi sa Barangay Pandan nang harangin ng hindi matukoy na bilang ng mga armadong lalaki.
Dead on the spot si Benito habang binawian ng buhay sa ospital ang bodyguard nito.
Kinondena ni South Upi Mayor Reynalbert Insular ang pananambang bilang isang duwag na gawain.
Ang mga sundalo mula sa 57th Infantry Battalion ng Army ay sumusuporta sa pulisya sa pagtugis sa mga salarin.
Hindi pa matukoy ng lokal na pulisya ang motibo sa likod ng pag-atake.
Kinondena naman ng Department of the Interior and Local Government ang pananambang at inutusan ang Philippine National Police na makipagtulungan sa militar para tugisin at arestuhin ang mga suspek at ilantad ang mga mastermind. RNT