Home NATIONWIDE Bong Go: Esensyal, murang gamot gawing accessible

Bong Go: Esensyal, murang gamot gawing accessible

MANILA, Philippines – Hiniling ni Senator Bong Go sa mga kinauukulan na gawing mas accessible at abot-kaya ang mga esensyal na gamot para sa mga Pilipino.

Sa pampublikong pagdinig ng Senate committee on health, kasama ang committees on finance at tourism noong Martes, binigyang-diin ni Senator Go na mahalaga ang availability at affordability ng mga esensyal na gamot para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng mga hakbang ng PhilHealth.

Kasabay nito, inihayag ni Go ang kanyang pagsuporta sa iba’t ibang programa ng PhilHealth, lalo na ang Konsulta program, na magpapabuti ng accessibility sa pangangalagang pangkalusugan.

“Can PhilHealth also share its planned programs on making medicines affordable and accessible? Meron bang mako-cover ang PhilHealth na libreng medisina, itong mga generic na gamot?” ang tanong ng senador.

Binanggit ni Go ang Executive Order No. 104 na inilabas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na naglalayong itakda ang maximum drug retail prices (MDRP) para sa mahigit 100 essential medicines.

Bilang tugon sa mga katanungan ni Go, timiyak ni PhilHealth Chief Emmanuel Ledesma ang pagkakaroon ng mga libreng gamot sa pamamagitan ng PhilHealth.

Sinabi ni Dr. Clementine Bautista, Acting Senior Vice President ng PhilHealth, na kasama na sa Konsulta package ang mga gamot for the primary care.

Humingi rin ng paglilinaw si Go ukol sa mga uri ng sakop na mga gamot at mekanismo kung saan maaaring ma-access ng publiko ang mga ito. “Saan galing ‘yung medisina?… Hindi nila alam saan sila pupunta at hihingi ng tulong,” tanong ni Go.

“Alam mo, doktora, maraming lumalapit sa akin, naghahawak ng mga reseta. Hindi nila alam saan sila pupunta at hihingi ng tulong,” ani Go.

Tumugon si Bautista at binigyang-diin ang pagiging inklusibo ng Konsulta package na sumasaklaw sa 21 gamot na idinisenyo upang matugunan ang mga karaniwang sakit na kinakaharap ng mga Pilipino.

Ang package na ito ay sumasaklaw sa hanay ng mga karamdaman, kinabibilangan ng hypertension at diabetes, kasama na rin ang pagbibigay ng mga antibiotic.

Binanggit din ni Bautista ang Guaranteed Accessible Medications for Outpatient Treatment program, na naglalayong palawakin ang saklaw ng mga gamot na mula 21 hanggang 53 para sa outpatient.

Kaugnay pa rin nito, ipinayo ni Go ang pangangailangang palawakin ang pagpapakalat ng impormasyon at ng mga akreditadong pasilidad kung saan maaaring mapakinabangan ng mga tao ang mga libreng gamot at konsultasyon.

Tinukoy niya ang potensyal ng Super Health Centers sa pagtugon sa gap na ito at hinimok ang PhilHealth na suportahan at isulong ang akreditasyon ng mas maraming centers upang matiyak na ang mga benepisyo ng Konsulta program ay makakarating sa mas maraming Pilipino. RNT