SARANGANI- PATAY ang isang negosyante matapos paliparin ang minamaneho nitong kotse hanggang sa sumalpok sa poste ng kotse, kaninang umaga, Abril 6 sa bayan ng Maasim, ng naturang probinsya.
Kinilala ang biktimang si John Alvin Vivero Bag-ao, 31 at residente ng Acharon Village, Barangay Calumpang, Gensan City.
Batay sa report ng Maasim Police Station, bandang 7:45 AM nitong Sabado naganap ang insidente sa national highway section ng Purok 5, Tinago, Maasim, Sarangani Province.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, galing ang biktimang sa Gensan City at patungo sana ito sa bayan ng Kiamba.
Habang binabaybay ng biktima ang naturang lugar, halos lumilipad ito sa pagpapatakbo ng kanyang metallic gray Honda Civic na may plakang MAN 1568 at inunahan pa nito ang kasunod na ambulansya.
Sa tulin ng sasakyan ni Bag-ao, hindi na nito nakontrol pa ang manibela hanggang sa sumalpok ito sa poste ng kuryente.
Sa lakas ng pagsalpok ay nayupi ang sasakyan ng biktima at agad naman itong dinala sa Maasim Municipal Hospital subalit idineklara na patay ng umatending sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo. Mary Anne Sapico