Home NATIONWIDE Bong Go: Fire safety education, palakasin

Bong Go: Fire safety education, palakasin

MANILA, Philippines – MULING iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat palakasin ang pagtuturo ng kaligtasan laban sa sunog sa mga lokalidad.

Ginawa ni Sen. Go ang kanyang apela matapos niyang ipadala ang kanyang grupo sa Cotabato City noong Biyernes upang magbigay ng suporta sa mga pamilyang nasunugan.

Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Go ang ten-year modernization program ng Bureau of Fire Protection (BFP) na sinimulan sa ilalim ng BFP Modernization Act of 2021, na pangunahin niyang iniakda at inisponsoran.

Layon ng batas na pahusayin ang kapabilidad ng BFP sa pamamagitan ng advanced equipment at additional personnel, pagpapalakas sa edukasyon sa kaligtasan kontra sunog sa pakikipag-ugnayan sa komunidad.

“Hinihikayat ko po ang mga lokal na pamahalaan na mas lalo pang palakasin ang fire prevention awareness. Karamihan po sa ating mga kababayan ay kulang sa kaalaman sa safety kaya mas mabuting maipalam natin ito sa kanila para maiwasan ang mga ganitong insidente,” iginiit ng senador.

Idinaos sa Virgo Subdivision sa Barangay Rosary Heights IX, Cotabato City, tatlong pamilya ang nakatanggap ng agarang tulong mula sa Malasakit Team, kabilang ang tulong pinansyal, grocery packs, water containers, kamiseta, bola para sa basketball at volleyball, at mga bitamina.

Kasabay ng pamamahagi ng suporta sa para makarekober ang mga nasunugan, nagsagawa naman ang National Housing Authority ng pagtatasa sa mga biktima na maaaring maging kwalipikado sa housing assistance program nito.

“Sa mga nasunugan, ‘wag kayong mag-alala. Ang importante buhay tayo, ang importante magtulungan tayo. Ang gamit atin ‘yang malalabhan. Ang pera ating kikitain ‘yan. Pero ang perang kikitain ay hindi mabibili ang buhay. A lost life is a lost life forever. Pangalagaan natin ang buhay na ibinigay sa atin ng Diyos,” ani Go.

Bilang chairperson ng Senate committee on health and demography, hinimok ni Go ang mga biktima na unahin ang kanilang kalusugan. Pinayuhan niya ang mga ito na gamitin ang serbisyo ng Malasakit Centers, Cotabato Regional and Medical Center (CRMC), o Sanitarium Hospital sa bayan ng Sultan Kudarat para sa anumang tulong-medikal na maaaring kailanganin nila.

Sa ngayon, mayroong 161 Malasakit Centers sa buong bansa na nakatulong na sa mahigit 10 milyong indigent patients sa buong bansa.

Binigyang-diin din ni Go ang kanyang suporta sa pagtatatag ng mga Super Health Center para mapahusay ang accessibility ng mga pangunahing serbisyo sa pampublikong kalusugan para sa mga komunidad.

Ang Cotabato City ay magkakaroon ng apat na Super Health Centers sa sama-samang pagsisikap ni Go, Department of Health (DOH) sa pangunguna ni Sec. Teodoro Herbosa, local government units, at mga kapwa mambabatas.

May nakalaan nang sapat na pondo para sa pagtatayo ng mahigit 700 Super Health Centers sa buong bansa.

Si Go, pangunahing isponsor at isa sa may-akda ng Republic Act No. 11959, kilala rin bilang Regional Specialty Centers Act, ay naging katuwang ang iba pang mambabatas upang maipasa ang landmark na batas na ito. RNT