Home NATIONWIDE Bong Go iginiit suporta sa barangay officials; isusulong dagdag na benepisyo at...

Bong Go iginiit suporta sa barangay officials; isusulong dagdag na benepisyo at proteksyon

17
0

MANILA, Philippines – Muling pinagtibay ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang suporta sa mga opisyal ng barangay at pagsusulong ng mas maayos na serbisyo sa mga komunidad sa pagdalo niya sa Year-End and Christmas Celebration ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas sa Gloria Maris, Pasay City noong Biyernes, Nobyembre 6.

Sa kanyang mensahe, kinilala ni Go ang hirap at sakripisyo ng mga opisyal ng barangay na siyang unang nilalapitan ng mga residente kapag may problema o nangangailangan ng tulong.

“Alam ko po hindi madali ang inyong trabaho bilang mga barangay officials. Kayo po ang unang nilalapitan ng ating mga kababayan kapag may problema. Minsan kahit wala na po sa oras, kayo pa rin ang tinatawagan,” ani Go.

Hinimok din niya ang mga opisyal na panatilihing bukas at madaling lapitan ang kanilang mga tanggapan, lalo na para sa mga mahihirap na mamamayan.

“Pakiusap ko lang po sa inyo mga barangay officials, full support po ako sa inyo. Pakiusap ko lang bukas po ang ating opisina parati lalong-lalo na po sa mga mahihirap nating kababayan,” dagdag niya.

Pinangunahan ni Liga National President Maria Katrina Jessica Dy ang pagtitipon na dinaluhan ng nasa 80 Liga chapter president mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang pagkilala sa kanilang ambag sa kani-kanilang komunidad.

Ibinahagi rin ni Go ang kanyang karanasan sa pakikipagtulungan sa dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City, kung saan madalas umanong lumalapit ang mga opisyal ng barangay upang ilapit ang mga suliranin tungkol sa kalusugan, kaligtasan, alitan sa komunidad at mga pamilyang nangangailangan ng tulong.

Binigyang-diin niya ang mataas na paggalang sa mga opisyal ng barangay dahil sa mahalagang papel ng mga ito sa lokal na pamamahala.

Samantala, muling iginiit ng senador ang kanyang pagsusulong ng mas maayos na benepisyo, kompensasyon at proteksyon para sa mga opisyal at kawani ng barangay.

Kabilang dito ang Republic Act No. 12232 na unang nagtakda ng apat na taong termino para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK). Kalaunan, inamyendahan ito ng RA 12326 na nagtakda ng limang taong termino at naglipat sa susunod na barangay at SK elections sa Nobyembre 2028.

Binigyang-pansin din niya ang Senate Bill No. 178 o Magna Carta for Barangays na muli niyang inihain sa 20th Congress. Layunin nitong palakasin ang suporta ng institusyon, sahod at mga benepisyo ng mga opisyal at kawani ng barangay.

Kasabay nito, isinusulong din ni Go ang Senate Bill No. 412 o Magna Carta of Barangay Health Workers upang mapabuti ang kompensasyon, seguridad sa trabaho at benepisyo ng mga barangay health worker (BHW).

Ipinangako rin niyang patuloy na ipaglalaban ang kapakanan ng mga BHW, kabilang ang agarang pagbabayad ng mga benepisyong nakalaan para sa mga kwalipikadong health worker.

Hinimok naman niya ang mga opisyal ng barangay na ipagpatuloy ang mga programang pampalakasan at paligsahan sa kanilang mga komunidad upang magkaroon ng makabuluhang aktibidad ang mga kabataan.

Nagpasalamat din si Go kay Dy at sa iba pang opisyal ng Liga sa kanilang patuloy na pakikipagtulungan sa pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan.

Binigyang-diin niya na dapat laging unahin ng mga opisyal ang kapakanan ng bayan at ng bawat Pilipino sa kanilang pamamahala.

“Ang ating inaasam ay makatrabaho tayo, ang aking pinagdadasal ay makabalik tayo sa ating normal na buhay para makaserbisyo tayo nang maayos sa ating mga kababayan. Unahin niyo po ang interest ng bayan, interest ng bawat Pilipino. ‘Yan po parati ninyong gabay sa inyong pamamahala,” pahayag ni Go.

Sa pagtatapos ng pagtitipon, nagpaabot ang senador ng pagbati sa Pasko at umaasang higit pang mapatitibay ng pagdiriwang ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga lider ng barangay sa buong bansa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here