Home NATIONWIDE Bong Go inagurahan SHC sa Dasmariñas City

Bong Go inagurahan SHC sa Dasmariñas City

Patuloy ang pagsisikap ni Senador Christopher “Bong” Go na mailapit ang serbisyo publiko sa mga Pilipino lalo na sa mga mahihirap, may sakit at nangangailangan.

Noong Miyerkules, Setyembre 25, personal na dumalo si Go sa inagurasyon ng bagong Super Health Center sa Dasmariñas City, Cavite at tumulong sa mga mahihirap na residente sa lungsod sa pakikipagtulungan ni Mayor Jenny Austria-Barzaga.

May kabuuang 1,667 indibidwal, kinabibilangan ng PWDs, Magulang ng SPED, kababaihan, solo parents, at senior citizens na nagtipon sa Dasmariñas Arena ang nakatanggap ng suporta mula kay Go, tulad ng food packs, meryenda, bitamina, masks, kamiseta, foldable fan, basketball at volleyball. Nakatanggap din ang ilang benepisyaryo ng sapatos, mobile phone, bisikleta, at relo.

Nakipagtulungan din si Go sa lokal na pamahalaan ng Dasmariñas City sa pangunguna ni Mayor Bargaza sa pagbibigay ng suportang pinansyal sa indigent sectors na naroroon.

Bukod sa pagtulong sa vulnerable sectors, pinangunahan din ni Go ang pagpapasinaya sa isa sa kanyang mga pangunahing adbokasiya para sa komunidad — ang pagtatayo ng Super Health Center.

Idiniin ni Go ang kahalagahan ng pagtatayo ng naturang mga pasilidad bilang bahagi ng kanyang pangako na pagpapahusay ng accessibility sa pangangalagang pangkalusugan sa buong bansa.

“Sa mga itinayo nang Super Health Centers, nakita namin kung gaano kalaki ang naitutulong nito sa komunidad, lalo na sa rural areas. ‘Yun po ang layunin ng mga Super Health Centers, ang mailapit sa mamamayan ang serbisyong medikal ng gobyerno,” ani Go.

Ayon kay Go, ang Super Health Centers ay makatutulong nang malaki upang mabawasan ang rate ng occupancy sa ospital bukod sa nailalapit ang mga pangunahing serbisyong medikal sa grassroots.

Samantala, bilang suporta sa community health front liners, nagbigay din si Go ng ayuda sa 205 barangay health workers (BHWs) at Barangay Nutrition Scholars (BNS) na naroroon.

Pinasalamatan naman ni Mayor Bargaza si Go sa walang patid na pagsuporta sa lungsod, lalo sa serbisyong pangkalusugan at mga proyektong pang-imprastraktura.

“Wala tayo dito kung hindi po dahil sa kanya (Senator Go). Siya po ay kaibigan ng Dasmariñas. Hindi niya lang po bisyo ang magserbisyo, bisyo niya rin ang tumulong sa Dasmariñas,” sabi ni Mayor Bargaza. RNT