Naniniwala si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino na ‘maraming isisiwalat’ si dismissed Mayor Alice Guo sa kanyang nalalaman tungkol sa operasyon ng mga iligal na POGO sa susunod na executive session na itatakda ng Senado.
Sa isang panayam sa ANC channel, tinanong si Tolentino kung naniniwala siyang ‘moved forward’ na ang imbestigasyon ng Senado matapos magsagawa ng executive session ang mga senador kay Guo kahapon.
Sumagot ng “oo” ang senador pero hindi na siya nagdetalye.
Sinabi pa ni Tolentino na ang pagpayag ni Guo na magsabi ng isang bagay sa executive session, na hindi nahayag sa mga regular na pagdinig, ay tanda ng paggalang niya sa Senado.
Bukod dito, mapipilitan din aniyang magbunyag ng mga nalalaman si Guo dahil na rin sa hirap ng kanyang sitwasyon sa kulungan.
“I think she will divulge a lot, especially with her conditions right now. Nabalitaan ko na natulog siya sa plywood kagabi dahil sa ilang mga surot sa loob [kaniya] detention cell sa Pasig.”
“Kaya, sa palagay ko sa kanyang pisikal na kondisyon, pati na rin sa kanyang kalagayan sa kalusugan, maaaring mapilitan siyang magsabi ng mga bagay na hindi pa nabubunyag noon,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Tol na medyo na-realize ni Guo na hindi ganoon ka-tense ang kapaligiran at talagang igagalang ng mga senador [sa executive session] ang kanyang mga karapatan.
“Ipinangako namin na kung ano man ang napag-usapan ay hinding-hindi mabubunyag.”
Nang tanungin kung sa tingin niya ay inabandona na ng mga kasamahan si Guo, sumagot si Tolentino na wala siya sa posisyon na manghusga.
“Tingnan natin kung paano ito mag-evolve sa mga susunod na araw dahil mayroon pa tayong isang mahabang executive session para sa kanya,” pagtatapos ni Tolentino. RNT