Home NATIONWIDE Bong Go inupakan si Trillanes: ‘ATTACK DOG, TAMAD!’

Bong Go inupakan si Trillanes: ‘ATTACK DOG, TAMAD!’

MANILA, Philippines- Pinabulaanan ni Sen. Christopher “Bong” Go ang mga akusasyon ng katiwalian ni dating Senador Antonio Trillanes IV laban sa kanya at kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“I have yet to see the verified complaint. But, since this is essentially the same accusation they hurled against me before, I categorically deny the allegations against me and former President Rodrigo Duterte, ayon kay Go sa isang pahayag.

Kinastigo ni Go si Trillanes at tinawag niyang “attack dog at tamad” na ginagawang tradisyon ang manira tuwing nalalapit ang halalan para kumita ng pera.

“Naging tradisyon na ng iba ang manira tuwing nalalapit ang eleksyon. Parang negosyo na nila iyan para kumita o makilala,” sabi ni Go ukol sa akusasyon ni Trillanes.

“Alam naman ng taumbayan na isang attack dog at tamad si Trillanes. ‘Yan ang totoong corruption! Hayaan na nating ang taumbayan ang humusga,” upak pa ni Go.

Duda si Go na posibleng may iba pang taong nasa likod ng hakbang ni Trillanes para siya ay wasakin.

“Ang tanong, sino kaya ang iba pang nasa likod ng black ops niyang ito? Baka ang dapat na silipin ay ang mga nakapaligid sa kanya,” ani Go.

Gayunman, sinabi ni Go na welcome sa kanya ang pagsasampa ng kaso ni Trillanes laban sa kanya at kay FPRRD upang matuldukan na ang recycled isyu na ito.

“Nevertheless, I welcome these moves to finally put an end to these often-recycled issues against us. Mabuti nang silipin sa mga akusasyong ito, may irregularity ba talaga? May naging transaksyon ba na disadvantageous sa government? May nanakaw ba? At may linkages ba sa akin na nagsasabing nakinabang ako sa anumang transaksyong ito? COA can find out. And, if there is, it is for COA to file the necessary charges.

Idiniin ni Go na “lumang tugtugin” na ang akusasyon ni Trillanes na nagsimula noong 2018 at ni-recycle noong 2021 pero walang napatunayan.

Taktika lamang aniya ito ni Trillanes dahil ngayong papasok na naman ang halalan sa 2025, nag-iingay na naman siya upang mapag-usapan.

“Gusto lang nila kaming kulayan ng itim para sila ang pumuti. Tatapunan ka nila ng putik para magmukha kang marumi at sila ay magmistulang malinis,” ani Go.

Umamin naman si Trillanes na muli siyang sasabak sa pulitika bilang mayoralty candidate sa Caloocan City. RNT